LUMULUHA ANG MGA BAYANI

KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari

BAWAT taon ay inaalala natin at binibigyang pagpapahalaga ang kadakilaan ng ating mga namayapang bayani na nagbuwis ng kanilang buhay para sa kapakanan ng mamamayan at bansang Pilipinas.

Kabilang dito ang taunang okasyon sa lalawigan ng Quezon tuwing sasapit ang ika-4 ng Nobyembre. Ginugunita ng mga taga-Quezon ang araw ng kamatayan ng lokal na bayaning si Apolinario de la Cruz na mas kilalang si “Hermano Pule” noong panahon ng mga Kastila.

Makabuluhan ang mensahe ni Quezon Gov. Angelina “Doktora Helen” Tan sa naganap na seremonya kay Hermano Pule sa gitna ng paghahanda sa darating na eleksyon sa Mayo sa kasunod na taon.

Binigyang diin ni Tan, kauna-unahang babaeng gobernadora sa lalawigan, na “kailangan ang pagkakaisa at pagbabalikatan” sa gitna ng isang kritikal na panahon sa Pilipinas.

“Nawa’y patuloy nating pagyabungin at panatilihin ang kanyang mga naiwang aral, kabayanihan at pagmamahal sa ating bayan,” ani Tan sa kanyang talumpati.

Sinabi pa niya: “Papasok tayo sa eleksyon. Pipili tayo ng mga mamumuno sa ating pamayanan”.

“Seryosohin natin ang darating na pagkakataon na i-exercise natin ang kalayaan na pumili ng lider na sa tingin natin ay magsusulong para sa kagalingan ng ating lalawigan (at bansa)”.

“Ipakita natin na hindi masasayang ang lahat ng mga ginawa ng ating mga ninuno at ng ating mga bayani”.

Ang gobernadora at ang kanyang mga opisyales sa pamahalaang panlalawigan ay inaasahang muling manunungkulan dahil wala silang seryosong katunggali sa darating na eleksyon.

Ito ay resulta ng kanilang sama-samang dedikasyon at pagsusumikap upang iahon ang lalawigan at ang mamamayan sa kahirapan at bigyan sila ng pag-asa na magkaroon ng magandang kinabukasan ang susunod na henerasyon ng mga Quezonian.

##########

Sana, ang mensahe ni Tan ay makarating sa iba’t ibang parte ng bansa partikular ang kanyang panawagan sa mga botante na seryosohin ang pagpili sa mga kandidatong naghahangad ng posisyon partikular sa Kongreso at Senado.

Iwaksi na natin ang mentalidad na itinuturing na larong sugal ang eleksyon. Na ang pipiliing kandidato ay yung sikat at popular – kahit na bobo at walang kamuwang-muwang sa hinahangad na posisyon – sa paniwalang sayang ang boto kung matatalo naman ang pinili.

Madalas nating naririnig ang ganitong argumento tuwing eleksyon.

“Bakit ‘yan ang iboboto mo, talo naman yan! Sayang lang ang boto mo. Siya (pangalan ng kandidato) ang iboto mo, sikat, popular at llamado. Tiyak na maraming boboto sa kanya. Hindi masasayang ang ating boto.”

Sa madaling sabi, adik at baliw ang mga Pilipino sa sikat na kandidato lalo na at artista kahit laos na.

Tuwang-tuwa pa rin tayong ihahalal ang kandidatong namumudmod ng pera sa kampanyahan at babansagang pang mabait at matulungin.

Na pagkatapos namang iboto, ang tanging aasikasuhin ay ang pangungurakot sa salapi ng taong-bayan para makabawi sa kanyang mga ipinamigay at punuin ang kanyang kaban ng pera na nagmula sa katiwalian at korupsyon.

##########

Dahil sa ganitong lisyang pananaw sa eleksyon, ano ang kalagayan ngayon ng ating bansa?

Patuloy at lalong dumarami ang mga Pilipinong naghihirap. Ito ang katotohanan.

Noong dekada sisenta, ang namimili ng bote-garapa ay mga Intsik. Ngayon, hinalinhan sila ng pami-pamilyang Pinoy na nagtutulak ng kariton sa mga kalye. Namimili ng diaryo, bote, plastic kasama na ang pagkalkal sa mga basurahan, upang ibenta naman sa junk shops.

Noon, walang batang yagit na nanghihingi ng pagkain sa kalye. Sa kasalukuyang panahon ay hukbo na sila. Magbigay ka sa isa, dudumugin ka ng marami pa at kasama pa ang mga magulang.

Marami pang salamin ng kahirapan ang makikita sa paligid habang nagpapasasa naman sa karangyaan ang mga nasa ibabaw ng tatsulok kasama ang mga politikong ibinoto natin.

Noon, sagana rin ang Pilipinas sa isda dahil napalilibutan tayo ng karagatan. Ngayon, ultimong galunggong ay inaangkat natin sa Tsina. At ang mas lalong malintik, ang mga isdang ito ay hinuli ng mga mangigisdang Tsekwa sa ating karagatan na wala namang magawa ang ating gobyerno at ang mga ibinoto nating politiko.

At ang pinakamasaklap, naghalal tayo ng isang presidente ng bansa na umamin sa Senado na siya ang nagpapatay sa maraming biktima ng kanyang malagim at madugong “drug war”.

Na pagkatapos niyang aminin ang isang karumal-dumal na krimen, nagpalakpakan pa ang kanyang mga alipores habang ang Malakanyang naman ay nakatunganga.

Kung makababangon sa hukay ang ating mga bayani, magkasamang sapok at tadyak mula sa kanila ang tatama sa atin.

Lumuluha sila at nagpupuyos sa galit.

57

Related posts

Leave a Comment