MAAYOS NA DISTRIBUSYON NG TUBIG ANG KAILANGAN

Badilla Ngayon

MATAGAL na panahong hi­nawakan ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ang distribusyon ng tubig sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Dahil pagpapabaya at korapsyon sa MWSS, umabot sa matinding krisis ang tubig noong panahon ni Fidel Ramos.

Hindi tuluy-tuloy ang daloy ng tubig sa mga tubo ng MWSS patungo sa bawat bahay ng mga residente at kumpanya ng mga negosyante sa Metro Manila at mga kalapit lalawigan noong panahon ni Ramos.

Kaya, nagpasya si Ramos na isapribado ang distribusyon ng tubig.

Nagsimula ang Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc. noong 1997.

Simula noon, inayos ng Manila Water at Maynilad ang distribusyon ng tubig.

Sabi nga ni Romeo Bernardo ng Foundation for Economic Freedom, “upang magkaroon ng malinis na inuming tubig sa bawat bahay, nangangailangang mag-invest sa storage at treatment facilities at underground distribution networks. Bilyun-bilyon ang halaga nito upang matiyak lamang na malinis ang tubig na nakararating sa mga bahay.”

Maliban diyan, tiniyak din ng Manila Water at Maynilad na magdamag araw-araw ang distribusyon ng tubig sa bawat bahay at negosyo.

Natural lamang na mabawi ang ginastos ng Manila Water at Maynilad.

Kaya, naniningil sila ng bayad kada buwan sa kanilang mga kliyente na ang halaga ay depende sa rami ng ginamit na tubig sa loob ng isang buwan.

Ayon sa ulat ng Global Water Intelligence noong 2018, pinakamababa ang singil sa tubig sa Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa sa Asya.

Maraming organisasyon ang nanawagang isapubliko ang distribusyon ng tubig.

Kapag nangyari ito, magbabayad din ang mga tao sa MWSS, ngunit walang katiyakang magiging maayos ang pamamahagi ng tubig sa bawat bahay at negosyo, sapagkat ang inuuna ng mga opisyal sa pamahalaan ay paano kikita habang nakapuwesto sa gobyerno kaysa paano pagagandahin ang serbisyo sa publiko.

Kung pribadong kumpanya ang hahawak ng distribusyon ng tubig, pihadong regular na aasikasuhin ang tubig ng mga residente at negosyante.

oOo

Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (BADILLA NGAYON / NELSON BADILLA)

140

Related posts

Leave a Comment