At Your Service Ni Ka Francis
HINDI maikakaila na isa sa mga lahi ng mga tao sa buong mundo na ang pinakamaparaan o madiskarte sa buhay ay ang mga Pilipino.
Saan man tayo ilagay ay kaya natin gawan ng paraan, maging mahirap mang trabaho ‘yan ay kayang gawin ng mga Pilipino.
Nag-aral man tayo o hindi, basta ipagawa sa atin ay kaya natin gawan ng paraan.
Subok ang mga Pilipino na maparaan lalo na ang ating Overseas Filipino Workers (OFWs), na kahit trabaho ng mga nagtapos sa kolehiyo ay ginagawa nila.
Kaya ang OFWs ang madalas na hinahanap ng mga dayuhang employer dahil bukod sa maparaan na ay madali pang turuan at matuto.
Dahil sa pagiging madiskarte ng mga Pinoy ay kaya nilang mamuhay kahit saan man sila mapuntang lugar, maging sa pinakamalayong bansa sa mundo.
Sa dala-dalang diskarte ng mga Pinoy ay hindi sila magugutom kahit sa pinakamahirap na lugar na kanilang mapuntahan.
Sa sariling bayan sa Pilipinas na bagama’t bihira ang oportunidad ay kayang mamuhay ng mga Pilipino.
Kaya kapag nabigyan sila ng pagkakataon na mapunta sa labas ng bansa o makapag-abroad ay umuunlad ang mga Pinoy dahil kaya nilang gawin ang lahat para sa kanilang pamilya.
Dahil sa pagiging madiskarte o maparaan ng mga Pilipino, minsan ay nagagamit na ito sa kalokohan, ‘wag naman sana.
Mas maganda kung aangat o uunlad tayo sa pamamagitan ng mabuting paraan na wala tayong natatapakan na kapwa natin.
Mas pagpapalain tayo ng amang nasa langit kung tayo ay magiging mabuti sa kapwa.
Kung mabubuti ang ating ginagawa sa kapwa ay nakatutulog tayo nang mahimbing at masaya ang ating buhay kasama ng ating pamilya.
Mas pagpapalain pa tayo, kung makatutulong tayo sa ating mga kababayan na nangangailangan.
Wala tayong pagsisidlan ng pagpapala mula sa amang nasa langit kung tayo ay maraming natutulungan.
Kung madiskarte na tayo, sasabayan pa ng pagpapala dahil sa ating kabaitan, imposibleng makaranas pa ng gutom ang mga pamilyang Pinoy. Ika nga, ‘nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa.’
oOo
Samantala, binabati ko ng belated Happy Birthday ang aking maybahay na si Ka Cindy na nagdaos ng kaarawan nitong nakaraang Miyerkoles, at ang kaibigan nito na nagdaos din ng kaarawan nitong Linggo na si Security Bank Manager Chrina Reyes… Happy Na! Birthday pa!… Wishing you good health and more blessings to come.
54