THINKING ALOUD
NITONG nakaraang linggo, sobrang nakaiinis na mayroong isang Marites na nag-post sa social media ng video tungkol sa isang aksidente kung saan may tatlong taong napahamak.
Bagama’t hindi direktang katrabaho, kabilang kami sa parehong kumpanya at talagang nakababahala ang video na nakabalandra sa Facebook dahil tila proud na proud pa itong netizen na ito at ni-repost niya pa ang video sa kabila ng pakiusap ng mga kasamahan, at ng iba pang mga netizen na tanggalin na ang video dahil sa sensitibong content.
Pero hindi nagpatinag itong si Marites, at hindi pa siya tumigil. Ipinagmamayabang pa niya na nakausap daw niya ang mga kasamahan ng mga naaksidente at sinabing patay na raw ang mga ito. Nakagagalit talaga dahil nang sabihin niya ito, alam naming may mga personal na kaalaman at balita tungkol sa tunay na lagay ng mga tao sa video na hindi naman sila patay at nasa ospital ng mga oras na iyon.
Pinanindigan niya ang pagkakalat ng fake news, na kung aalisin ang personal na mga pananaw at pagkainis, mapapansin na posibleng dahil ito sa nakuha niyang views at comments sa post. Kaya nga siguro ni-repost niya, at naglakas loob pa siyang mag-update na akala mo nandoon siya sa ospital. Napaka-iresponsable niya at talagang walang respeto sa pamilya ng mga nasa video.
‘Pag sinilip ang iba pa niyang mga post, wala naman masyadong engagement, views or likes. Pero halatang-halatang gusto niyang sumikat dahil sa mga ipino-post niya doon. Oo nga naman ‘no, bakit niya tatanggalin ang post na maaari niyang ikasikat o pagkakitaan?
Pero nakagagalit talaga. Marami mang magandang naidulot ang social media sa atin, mayroon ding mga hindi magandang resulta ang iresponsable at kawalan ng sensitibilidad sa paggamit nito.
Minsan naman, hindi talaga sinasadya. Kagaya nung ilang beses na sumikat na socialite dahil sa pagka-out-of-touch niya. Humingi naman siya ng tawad, pero talagang magandang paalala ‘yan kung bakit kailangan maging mas maingat sa kung anong inilalagay natin na maaaring makonsumo ng publiko.
Ang dami na rin kasing clout chaser ngayon, o ‘yung mga indibidwal na inuuna ang likes at shares at walang pakialam kung may nababastos sila o may naapektuhang iba. Nariyan ang walang humpay na paghahanap ng atensyon na minsan kasi nakasasama sa iba, katulad nga nung Marites na hindi madaan sa pakiusap kahit na alam naman niya sigurong sensitibo ang na-post niya. Hindi man lang naisip kahit paglipas ng ilang araw na nagbahagi siya ng mga imahe at mali-maling detalye. Para bang pumangalawa na lang ang trahedya dahil sa kagustuhan niyang magkaroon engagement.
Bagama’t totoo na makapangyarihang kasangkapan ang social media para sa pagtaas ng kamalayan at diskusyon tungkol sa mga importanteng bagay, mayroon dapat hangganan o restriksyon lalo na kung nagreresulta ito sa pagsasamantala sa isang sitwasyon para sa pansariling kapakinabangan.
Paano natin mapipigilan ang mga ganitong insidente? Mayroon namang tinatawag na community standards ang social media kagaya ng Facebook, pero hindi naman laging nasusunod iyan, at nasa atin din talaga kung paano tayo magiging responsableng netizen. Bago magbahagi ng isang post, dapat tayong magtanong sa ating sarili kung makatutulong o makasasama ba ito sa iba, lalo na sa subject ng mga ipo-post natin. Mahalaga rin para sa mga social media platforms kagaya ng Facebook, na magpatupad ng mas mahigpit na mga alituntunin sa pagbabahagi ng sensitibong materyal.
Sana ay magsikap tayong lahat na piliing maging mas responsable sa ginagawa natin sa social media at isantabi ang pagiging clout chaser o kita lalo na kung may maaapakan tayong ibang tao. Mahalagang panatilihin ang respeto at empathy sa isang magulo at masalimuot na digital na mundo.
90