MAGKAIBA TALAGA TRATO SA MGA SUSPEK

DPA ni BERNARD TAGUINOD

IBA talaga ang trato ng Philippine National Police (PNP) sa mayayaman at maimpluwensyang mga suspek kaysa mga anakpawis o mga mahihirap na pinaghihinalaang lumabag o nakagawa ng krimen.

Bilang mamamahayag, ang unang assignment ko ay police beat dahil doon mo raw mahahasa ang iyong propesyon kaya halos lahat ng mga bagong reporter na ina-assign ay nagsimula sa police stations.

Doon ko nakita kung papaano itrato ang mga suspek pa lamang. Sa pag-aresto pa lamang ay nasasaktan na sila ng mga tiwaling pulis dahil pinadadapa agad sila at pinoposasan nang mahigpit at saka kinakaladkad sa police mobile.

Pagdating sa presinto, nasa isang sulok lang sila, hindi puwedeng gumagala at nababatukan pa sila ng mga abusadong pulis at agad silang itinatapon sa masikip na kulungan kung saan sinasalubong sila ng suntok ng mga kapwa preso.

Pero ‘pag mayaman at maimpluwensya ay hindi pinoposasan at ingat na ingat ang mga pulis para hindi sila masaktan at baka malabag ang kanilang karapatang pantao at ang matindi pa, nakaiikot sila sa loob ng police headquarter.

Ihalimbawa na lang natin si Guo Hua Ping a.k.a Alice Guo na imbes na posasan matapos i-turnover ng Indonesian Police ay nakipag-selfie pa sina SILG Benhur Abalos at PNP Chief Rommel Marbil.

May group selfie pa si Alice Guo sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa loob ng sasakyan pero kung ordinaryong suspek ‘yan, pinosasan na ‘yan at pinayuyuko sila habang bumibiyahe.

Ang matindi pa, sinundo ng private plane si Guo sa Indonesia at daig pa ang Santo Papa sa rami ng escort mula sa Villamor Airbase sa Pasay City hanggang sa Camp Crame, kaya ang laki ng gastos natin sa kanila.

Kung ordinaryong suspek lang ‘yan, sa isang police mobile lang isasakay ang mga ‘yan at walang gastos masyado ang gobyerno sa kanila pero ‘pag mayaman at maimpluwensya ay pinagagastos ang taxpayers.

Nakakita rin ako ng video ni Apollo Quiboloy sa Camp Crame matapos silang dalhin sa Manila na walang posas at nakikipag-usap pa sa kanyang supporters sa loob. Hindi puwedeng gawin ‘yan sa mga pobre.

Kapag pobre ang suspek, hindi nakapapasok ang kanilang mga kaanak at kaibigan pero ‘pag mayaman at maimpluwensya ay ok lang na payagan ang kanilang supporters sa loob ng headquarters?

Kaya ‘yung mahihirap na mga suspek, huwag na kayong umasa na maging patas ang mga otoridad sa inyo. Sa batas, pwedeng patas lahat, pero sa pagtrato sa mayaman at mahirap parang malabong mabago.

35

Related posts

Leave a Comment