MAKABAGONG PAMAMARAAN NG MGA NEGOSYO SA PANAHON NG BAGONG NORMAL

0

ANG pagdating ng pandemyang COVID-19 ay nagresulta ng napakaraming pagbabago sa ating pamumuhay. Kasama rito ang pagbabago na kinailangang harapin at ipatupad ng mga negosyo upang makapagpatuloy sa kanilang mga operasyon. Ang panahong ito ay kritikal para sa mga negosyo. Nakasalalay sa kanilang estratehiya sa pag-angkop sa bagong normal kung kakayanin nitong magpatuloy ng operasyon sa kabila ng pandemya o kung ito ay magsasara na lamang nang tuluyan gaya ng nangyari sa iba.

Tila napapanahon naman ang pagdaraos ng MAP 2021 International CEO Conference kamakailan na pinangasiwaan ng Management Association of the Philippines (MAP). Ibinahagi ng mga panauhing lider mula sa ibang bansa ang mga bagong pamamaraan sa operasyon ng negosyo na sa tingin nila’y akma sa bagong normal. Ayon sa mga miyembro ng MAP, kailangan ng mga makabagong ideya at mamuhunan sa digitization upang malampasan ang pandemyang ito at ang mga susunod pa.

Naging matinding hamon din ang pandemya para sa mga ­utility gaya ng Meralco. Samu’t saring makabagong pamamaraan ang ipinatupad ng kompanya upang matiyak na maaari pa ring maiparating ng mga customer ang kanilang mga katanungan at concern nang hindi umaalis ng kanilang bahay. Sa pamumuno ni Meralco President Atty. Ray C. Espinosa, inilunsad ng Meralco ang kampanya nitong #keepingthelightson.

Nananatiling bukas ang mga Meralco Business Center. ­Subalit, para sa kaligtasan ng aming mga customer, dinagdagan ng kompanya ang kapasidad ng aming Customer Care Group upang masiguro na lahat ng tawag na papasok sa aming 24/7 Customer Hotline 16211 ay masasagot ng mga agent. Para naman sa nais bumisita sa Business Center, maaaring gamitin ang Meralco Online Customer Appointment (OCA) upang makapagtakda ng iskedyul ng pagbisita at maka­iwas sa mahabang pila. Inilunsad din ng kompanya ang Virtual Customers Assistant (VCA) system, kung saan makakausap ng customer na nasa business center ang Meralco Customer Care assistant sa pamamagitan ng video call.

Ang mga online na programa ng Meralco na aktibo na bago pa man nagsimula ang pandemya ay mas pinaigting pa. Ito ang Bright Ideas, Orange Tag, at Appliance Calculator na kapwa makikita sa opisyal na Meralco website at sa Meralco app.

Bukod sa mga makabagong pamamaraan na tiyak na ­malaking tulong sa mga ­customer, minabuti rin ng Meralco na maglunsad ng mga bagong teknolohiyang makatutulong naman sa pagiging wasto at mabilis ng trabaho ng mga field personnel ng kompanya. Upang mas maging mabilis at masigurong wasto ang reading na nakuha ng meter reader, inilunsad ng Meralco ang meter reading app. Naglunsad din ang kompanya ng real-time payment validation app para naman sa mga crew na nagsasagawa ng pagpuputol ng serbisyo ng kuryente. Sa pamamagitan ng app na ito, makukumpirma ng crew kung ano ang tunay na estado ng account ng customer sa mismong oras ng pagpunta nito sa bahay ng customer.

Ang pagpapatupad ng pagbabago sa operasyon ng negosyo alinsunod sa kinakailangan ngayong bagong normal ay isang matinding hamon.

Dagdag na hamon din ang pagpapabuti ng serbisyo sa mga customer gamit ang makabagong teknolohiya. Kinakailangan ng magandang estratehiya at maayos na sistema kung paano makatutulong ang makabagong teknolohiya sa pagpapabuti at pagpapatuloy ng operasyon ng mga negosyo sa kabila ng pandemyang ito.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment