MALIBAN SA SURVEY,  MAGSARILING PAGSALIKSIK DIN

SA TOTOO LANG

Sa nalalapit na May 13 midterm elections ano nga bang klaseng paghahanda mayroon ang mga Filipino para rito?

May mga listahan na ba tayo sa mga dapat na iupong mga kandidato para maglingkod sa bayan at sa mamamayan?

Ilang araw na lamang ang ating bibilangin para tayo ay makaboto, kaya dapat ay maging handa tayo bago ang mismong halalan.

Panay-panay na ngayon ang mga ulat tungkol sa mga survey kung sino ang mga nangungunang mga kandidato sa pagkasenador. At ayon sa mga pag-aaral ng mga political analysts ang survey ay maaaring batayan para makapili ng mga iboboto pero naroon ang lagi nilang paalala na ang survey ay nagbabagu-bago lalo na’t papalapit ang eleksyon.

Maaari nga ito dahil baka ang mga hindi nakapasok ngayon sa Top 12 ay biglang makapasok sa mga susunod na linggo.

Mas maiging magkaroon ng sariling pag-aaral ang bawat mamamayan para sa mga kandidatong nagnanais na maglingkod sa gobyerno. Alamin ang mga background at mga isyu o kontrobersyal na isyu kung mayroon man silang kinasasangkutan. Mahalaga ito para hindi lamang tayo nakaasa sa mga sabi-sabi at hindi naman dapat talaga umasa rito.

Kung magkakaroon man ng campaign rally ay mahalagang makadalo o makarating din dito para malaman at matiyak na personal silang makita o makilala sa ganitong mga pagkakataon.

Mahalagang maalala na huwag na tayong pabola sa mga pangakong madaling bitiwan ngunit kailangang magdalawang isip tayo kung kakayanin ba nila itong panindigan o tuparin para sa kapakanan ng taumbayan – hindi ng kanilang sariling bulsa o sa kanilang mga pamilya. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

100

Related posts

Leave a Comment