MAS ASTANG-DIKTADOR SI GMA

SIDEBAR

Sa mga hindi nakakaa­lala kung paano naging-astang diktador si Gng. Gloria Macapagal-Arroyo nang pangulo pa siya ng “matatag na Republika,” kailangan lang balikan ang kanyang Executive Order No. 464 na unang ipinalabas noong kainitan ng “Hello, Garci” scandal noong 2005.

Matapos pumutok ang isyu ng “Hello, Garci” ay nagkaroon ng imbestigas­yon ang Senado pero bago pa man nito maipatawag ang mga opisyal ng admi­nistrasyong Arroyo na dawit sa iskandalo ay inilabas ng Malacañang ang E.O. 464 na nagbabawal sa mga miyembro ng ehekutibo na dumalo sa mga imbestigasyon nang walang pahintulot sa Palasyo. Nitong nakaraang linggo, pumasa sa plenaryo ang House Resolution No. 2467 na muling naghigpit sa pagkuha ng kopya ng SALN (Statement of Assets, Liabilities and Networth) ng mga kongresista at empleyado ng House of Representatives.

Mismong si Speaker Macapagal-Arroyo ang nagsilbing pangunahing may-akda ng resolusyon kasama si Majority Leader Fredenil Castro at pito pang kongresista kung saan kailangan nang aprubahan ng “House majority in plenary session” ang mga kopya ng mga requested SALN.

At matapos maaprubahan ang naturang request for SALN, kailangang magbayad ang requesting party ng P300 sa kada kopya ng SALN ng mga kongresista. At dahil may 291 na na incumbent congressmen, aabot sa P90,000 ang halaga ng lahat ng kanilang SALN sakaling kailanganin ito ng mga peryodista o estudyante.

Kailangan ding mag-fill out ng prescribed form para sa SALN request at miyembro ng media or any requesting party ay kailangang magpakita ng identification documents gaya ng press ID at certification of accreditation mula sa mga media outlets.

Kumpara sa Kamara, mas madaling kumuha ng SALN sa mga senador dahil kailangan lang ang letter-request na matapos ang 10 araw ay kailangang aprubahan ng Senate secretariat. Ang tanging babayaran ng requesting party ay ang halaga ng pag-photo copy sa mga naturang SALN.

Kaya nga lumilitaw na mas astang-diktador si GMA kaysa kay Pangulong Rodrigo Duterte. Mismong ang Malacañang ay hindi kumportable sa nilalaman ng H.R. 2467 na ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo ay labag sa itinatad­hana ng Saligang Batas hinggil sa SALN at transpa­rency sa panig ng mga opis­yal ng gobyerno.

Binigyang-diin din ni Pa­nelo ang inilabas ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na Executive Order No. 2 (series of 2016) na mas kilala sa pamagat na “Freedom of Information” na nag-institusyonalisa sa karapatan ng mamamayan sa pagkuha ng impormasyon sa loob ng executive branch.

Hindi na rin nakakagulat ang bagong patakaran sa Kamara sa SALN dahil kilala si GMA na masyadong protective sa mga dokumento na puwedeng magamit laban sa mga kongresista partikular sa isyu ng biglang-yaman na posibleng dahil sa korapsyon.

Ito’y dahil sa karanasan ni GMA bilang pangulo kung saan kabi-kabila ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa malawakang korapsyon sa kanyang pamahalaan kabilang na ang ilang miyembro ng kanyang pamilya. Kaya hanggang ngayon ay astang-diktador pa rin si GMA pag nalalagay sa puwesto gaya ng pagiging Speaker ng mababang kapulungan. (SIDEBAR/RAYMOND BURGOS)

108

Related posts

Leave a Comment