THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
ANG pagtindi ng kakulangan ng “soft skills” kagaya ng komunikasyon at resiliency ang sinasabing isa sa mga pagsubok na kinahaharap ng mga nagtapos ng pag-aaral sa kasagsagan ng pandemya.
Pinunto ng iba’t ibang grupo at lider ng lipunan na kadalasan nakukuha ang mga kakayahang ito sa pakikisalamuha sa kapwa na naging mahirap dahil sa mga naging restriksyon nitong mga nakaraang taon.
Para naman sa mga bagong graduate, mahalaga ang papel na ginagampanan ng una nilang mapapasukang kumpanya dahil dito masusubok ang natutunan nila sa paaralan at mamumulat ang kanilang mga mata kung ano ba ang nangyayari sa tinatawag na real world.
Hindi maipagkakaila na marami pa silang talagang mapagdadaanan at mararanasan habang tinatahak nila ang kanilang mga karera. Malaking tulong ito para mas makilala nila ang kanilang sarili at matuklasan kung ano nga ba talaga ang gusto nila sa buhay.
Naglabas kamakailan ng Top 100 Employers para sa fresh graduates ang Prosple, isang tech company na tumutulong sa mga estudyanteng magsimula ng kanilang propesyunal na karera.
Nakatutuwa na napaka-diverse ng resulta sapagkat iba-ibang industriya ang nasa listahan, kabilang ang Meralco na nasa ikaanim na pwesto. Kasama rin sa unang sampu ang malalaking kumpanya kagaya ng Unilab, Canva, ABS-CBN, Nestle, BDO, Zalora, Shell, GSK at Accenture.
Bilang isang empleyado ng Meralco, saksi ako ngayon kung gaano kahalaga para sa kumpanya ang pagbibigay ng magandang oportunidad sa future leaders ng kumpanya.
Mayroong internship at scholarship programs ang Meralco na naglalayong mahasa ang kakayahan at bigyan ng oportunidad ang mga estudyante na sumailalim sa mga on-the-job training na magbibigay sa kanila ng akmang karanasan na magagamit nila sa kanilang karera.
Mahalaga rin para sa mga empleyado ang kultura at values kagaya ng malasakit na isinasabuhay sa loob at labas ng kumpanya.
Ilan sa mga katrabahong nakausap ko ang nagsasabing bukod sa napakaraming training, mentorship at growth opportunities, maganda rin talaga ang mga benepisyo dahil talagang pinahahalagahan ang kapakanan ng mga empleyado.
Pero ano pa nga ba ang mahalaga sa mga manggagawang Pilipino?
May kakilala akong abogado na kasalukuyang nag-iisip na lumipat ng trabaho. Nakagugulat rin na akala ng karamihan, kapag lisensyado na, mas madali na ang karera ng mga tulad niya.
Pero para magtagal sa isang kumpanya, mahalaga na angkop ang trabaho at work environment sa pagkatao, values at responsibilidad sa buhay.
Para kay Attorney, nakikita niya ang growth opportunity sa kasalukuyang kumpanya at dahil sa angking galing, nagagawa niya nang maayos ang kahit anong trabahong ibigay sa kanya. Kung tutuusin, hindi naman siya mahihirapang lumipat ng kumpanya kaya pinag-iisipan niya ring mabuti kung iiwan niya ang oportunidad para sa mas kaaya-ayang sitwasyon sa trabaho.
Maswerte pa rin siya dahil marami tayong mga kababayan na naghahanap pa rin ng trabaho at ang ilan, nahihirapan pa ring makakita kung ano ang pinaka-angkop para sa kanila.
Ayon sa pinakahuling Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority, nasa 4.5 na porsyento ang unemployment rate sa Pilipinas nitong Hunyo, mas mataas mula sa 4.3 porsyento noong Mayo. Katumbas ito ng 2.33 milyong Pilipinong walang trabaho.
Sa usapin ng kalidad ng trabaho na nasusukat sa underemployment rate, tumaas ito sa 12 porsyento mula 11.7 porsyento. Nasa 5.87 milyong Pilipino ang naghahanap ng karagdagang kita.
Marami namang nakalatag na programa ang pamahalaan kagaya ng karagdagang na technical at vocational centers, at pagkakaroon ng mga inisyatibang nakatuon na digitalisasyon at innovation na hindi maikakailang napakahalaga sa panahon ngayon.
Pero katulad ng napakaraming problema ng lipunan, napakahalagang magtulungan ang pamahalaan at pribadong sektor upang mapabuti hindi lamang ang employability ng mga manggagawang Pilipino, kundi pati na rin ang work environment na kinu-cultivate ng mga employers sa Pilipinas.
373