CLICKBAIT ni JO BARLIZO
BASTA Pinoy hindi talaga patatalo.
Sabi ‘yan ng mga miron sa naganap na halalan ng Amerika kung saan tila mas na-stress pa ang mga Pinoy kaysa mga Kano. Base kasi sa mga balitaktakan sa social media, masyadong ‘maingay’ ang mga Pinoy sa US na bumoto kay Donald Trump kaysa katunggaling si Kamala Harris.
Babalik nga si Trump sa Washington DC dahil nalagpasan niya ang 270 electoral college votes.
Sa Estados Unidos, kailangan ang 270 electoral votes para manalong pangulo.
Noong 2016, tinalo ni Hillary Clinton si Trump sa popular vote ng 2.8 milyong boto, ngunit dahil sa electoral college nanalo si Trump. Lamang si Al Gore kay George W. Bush sa popular vote ng 543,000 boto, pero nagwagi si Bush dahil sa electoral college.
Ngayon, si Trump ang unang Republican na nanalo sa popular vote mula nang mangyari ito kay Bush noong 2004. Sa kabila ng panalo sa electoral college noong 2016, natalo si Trump sa popular vote ng halos 3 million nang taong iyon, at ng halos 7 million noong 2020.
Iyan ang electoral college votes.
Marami ang nagulat sa resulta ng US presidential election ngayong taon. Hindi sila makapaniwala na mas nanaig ang kriminal sa anila’y qualified na katunggaling babae.
Bumandera ang mga ganitong patutsada: Apat na taon makaraang atakihin ang demokrasya at iwanan ang White House sa kahihiyan, babalik ang convicted felon sa Washington DC, bilang ika-47 pangulo ng Estados Unidos.
Si Trump — ang dalawang beses na na-impeach na dating presidente, lider ng January 6 coup, convicted felon, ay nakumbinsi ang mga botanteng Kano na bigyan siya ng isa pang turno sa White House. Ang hirap nga namang isipin pano nangyari ‘yan.
Hindi patatalo ang mga Pilipino sa pagbibigay ng komento at paglalahad ng agam-agam sa epekto ng pagkapanalo ni Trump sa pandaigdig na pulitika, ekonomiya at sa katayuan ng mga Pinoy sa lugar ng milk and honey.
Kinatatakutan ngayon ang inaasahang pinakamalaking deportasyong ipatutupad ni Trump. Apektado nito ang milyong walang dokumento sa Estados Unidos, kabilang ang ibang Pilipino. Ang polisiya ni Trump ay maglilimita rin ng oportunidad para sa mga Pinoy na gustong umapak sa Tate.
Nakatutuwa ang mga reaksyon ng ibang Pinoy. Ginawa pang sandigan ang polisiya ni Trump bilang pang-iinis sa ilang kababayan na bumoto sa MAGA. Sana raw masampolan ang gusto nilang mapauwi sa Pilipinas.
Eto pa, malapit na raw magunaw ang mundo. Mukhang desperado na ang netizen na ito dahil tila wala nang magandang nangyayari sa panahon ngayon na puro kaguluhan, giyera, tunggalian, o sa madaling sabi ay naghahari na ang kasamaan.
Mas bobo raw ang mga Kano kaysa mga Pinoy sa pagboto. Hindi pa raw handa ang mga ‘Kanuto’ sa babaeng pangulo. Ang malupit, buti pa raw ang mga Pinoy kasi mahigit tatlong dekada bago nakalimot, ang mga Kano apat na taon lang. Nakaaaliw, ‘di ba?
Marami pang hanash ang mababasa sa social media, at maririnig na opinyon at pang-aasar sa mga umpukan.
Ganyan ang eleksyon. May pabor at kontra. ‘Yan daw ang demokrasya.
Sa iba, bagong golden era raw ang magaganap sa Estados Unidos dahil panalo si Trump.
Sa ibang panig, bubuo raw ang pinakamayayamang Kano ng Trumpist Oligarchy.
Ayan, binati na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. si Trump sa kanyang pagkapanalo bilang bagong pangulo ng US.
Maraming world leader na rin ang bumati at pumuri kay Trump.
Teka, ano ang mangyayari sa prosekusyon ni Trump para sa pagtatago ng classified documents at pangingialam sa eleksyon noong 2020? May polisiya na ang nakaupong presidente ay hindi pwedeng usigin, ‘di ba? Hayaan na natin sa kanila problema na ‘yan.
Ang mas nangingibabaw muna ngayon ay ang sinasabi ng mga hindi makapaniwala at bangungot daw sa kanila na panalo si Trump.
Marami rin ang hindi naiwasang ihalintulad ang sinapit ni Kamala Harris kay dating VP Leni Robredo. Gaya ni Leni, halos lahat ng malalaki at sikat na celebrities sa Hollywood ay inendorso siya.
Masaya at nag-uumapaw rin ang kanyang mga campaign rally, napakaraming volunteers. Pero sa huli, olats pa rin.
Pinatutunayan lang daw nito na “universal na ang kabobohan”.
4