Lubhang nakakabahala ang ating natanggap na sumbong sa ating Bantay OFW Monitoring Center. Ito ay nagmula sa itatago nating pangalan na Randy.
Ayon sa impormasyon na ating natanggap na ipinadala ni Randy. Siya ay nakarating sa Kuwait sa pamamagitan ng Trans Overseas Manpower Services Inc. Ayon sa maikling salaysay ni Randy ay “Isa po akong masahista rito sa Kuwait. Pero hindi po ‘yan ang trabaho na inaplayan ko sa Pilipinas. Pagdating ko po rito ay ginawa po akong masahista. Sir, hindi ko po kaya ang trabaho ng isang masahista rito, kasi hindi ko kaya ang hinihiling ng customer. Nagagalit po ang aking amo dahil wala po akong sales at laging cancel ang mga customer. Hindi ko po kayang maging prostitute. Wala po akong sinasahod dahil by commission lang ang sahod namin. Kung walang customer ay wala ring sweldo”.
Naalala kong bigla ang ilan nating kabayani na naging biktima rin ng ganitong maling employment na kung saan ang isang ahensya ay nagpapadala ng baklang masahista sa Kuwait upang gawin lamang prostitute. Dahil ito ay immoral, kung kaya, ito ay mahigpit na ipinagbabawal sa bansang Kuwait. Dahil diyan, ay nahuli sa isinagawang raid ang ating mga kabayani at nakulong sa Salmiya CID Detention.
Noong ito ay nakarating sa aking kaalaman ay agad kong ipinaalam sa ating embahada upang sila ay matulungan. Ilang beses ko rin silang dinalaw at dinalhan ng pagkain kaya nalaman ko ang mabigat nilang pinagdaanan sa kanilang employer. Sa awa ng Diyos at tulong ng ating embahada ay nakalaya at nakauwi silang lahat.
Huwag na sanang antayin pa ng Trans Overseas Manpower Inc. na mahuli at makulong pa si Randy bago sila gumawa ng aksyon. Ang nangyari kay Randy ay isang mabigat na kaso na maaaring pumasok sa human trafficking.
Ipinarating na rin natin sa IACAT at Presidential Action Center ang problemang ito ni Randy. (Bantay OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
oOo
Hinihikayat natin ang lahat ng OFW o maging ang mga paalis pa lamang ng Pilipinas na mag-download ng Bantay OFW monitoring apps na libre sa android playstore. Dahil sa pamamagitan ng Bantay OFW monitoring apps ay regular nating makakamusta ang lahat ng ating mga kabayani saan mang sulok sila ng mundo.
397