MAY PAGCOR LOBBY FUND BA NA UMIIKOT SA KONGRESO?

AKO OFW ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP

NAG-VIRAL ang video ng budget hearing ng PAGCOR sa Kongreso kung saan ay napanood ang tila pagmungkahi ni One Filipino Worldwide Coalition (OFW) Party-list Representative Marissa Magsino na gawin na lamang legal ang illegal na online sabong upang magkaroon diumano ng pondo ang PAGCOR.

Maraming OFW Leaders ang nagulantang at hindi makapaniwala na mula pa mismo sa nagpapakilalang representante ng OFWs nagmula ang panukalang ito, gayong halos lahat ng OFWs ang nakakaalam na napakaraming OFW ang lubhang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa paglaganap ng online sabong sa ibang bansa.

Tila hindi batid ni Rep. Magsino na maraming pamilyang OFW ang naghimok kay dating pangulong Rodrigo Duterte para i-ban ang online sabong dahil sa maraming mga insidente o kaso na ang kanilang mga kapamilya sa ibang bansa ay hindi na nagpapadala ng kanilang sweldo dahil sa pagkalugmok sa sugal na online sabong.

Katunayan, noong kasagsagan ng online sabong ay maraming isyu ng pagsasangla ng pasaporte ng mga OFW naging dahilan kaya hindi makauwi sa Pilipinas, kahit pa nagkaloob ng free repatriation ang OWWA.

Tila hindi batid ni Rep. Magsino na ang mga OFW ang siyang pangunahing nagmamay-ari ng mga online gadget o cellphone na ginagamit sa pagtaya sa online sabong. Dahil sa mahigpit na patakaran laban sa anomang sugal sa ibang bansa katulad sa Middle East, ay masyadong nasabik ang mga OFW sa online na sugal at nakaligtaan nila ang kanilang obligasyon sa kanilang pamilya. Marami kasing mga OFW na nagbabakasakali na madoble ang kanilang pera mula panalo sa sugal para maipadala sa kanilang pamilya ngunit hindi nila namamalayan na nalulugmok na sila sa sugal.

Dahil sa panukalang gawing legal ang online sabong ay naging palaisipan sa mga OFW ang tunay na ugnayan ng PAGCOR at ni OFW Party-list ni Rep. Magsino na makikita sa kanilang Facebook account ang mga litrato kung saan ay namumudmod ang grupo nito ng gift packs na umano ay nagmula sa PAGCOR.

Hindi tuloy mapigilan ng OFW leaders na magtanong kung naglabas ba ng lobby money ang PAGCOR para sa OFW Party-list para isulong nito na gawing legal ang online sabong?

Ang nakapukaw sa aking atensyon ay ang isang tanong sa social media comment box ng isang OFW kung saan ay isinulat nito na “Magkano nga kaya ang dahilan kapalit ng pagkasira ng buhay ng pamilyang OFW at ng mga Pilipino?”

Naghihintay ng kasagutan ang ating mga bagong bayaning OFW.

* * *

Kung ikaw ay OFW o kapamilya ng OFW na nais magparating ng sumbong o paghingi ng tulong, huwag mag-atubili na lumiham sa amin at ipadala sa aming email address akoofwpartylist@yahoo.com o kaya sa saksi.ngayon@gamil.com

59

Related posts

Leave a Comment