MAY ‘RAT CZAR’ ANG NEW YORK CITY?

MY POINT OF BREW

UMMM…Teka, marahil ay nagulat kayo sa paksa ng aking kolum. Pero totoo. Ang New York City ay nagtalaga na ng isang eksperto upang puksain ang lumalalang populasyon ng mga pesteng daga sa kanilang lugar.

Kung titingnan natin ang imahe ng New York City, karamihan na nailalarawan natin sa ating isipan ay ang mga modernong naggagandahan at nagtataasang mga gusali. Kasama na rin dito ang iba’t ibang makasaysayang mga lugar na naging simbolo ng pagsisimula ng pag-unlad ng Estados Unidos. Ang mga ganitong larawan ay nakikita at napapanood lang natin sa telebisyon o kaya naman sa pelikula.

Subali’t sa likod ng kanyang imahe, matindi pala ang suliranin nila sa pagpuksa ng mga pesteng daga. Alam naman natin kung ano ang maaaring dalhin na sakit ng daga bukod sa paninira ng mga gamit sa mga tahanan.

Ayon sa Mayor ng New York City na si Eric Adams, itinalaga niya si Kathleen Corradi bilang director of rodent mitigation. Ang ibig sabihin nito, ang kanyang pangunahing trabaho ay puksain ang lumalaking bilang ng mga daga sa kanilang lungsod. Si Corradi ay dating guro at eksperto sa waste management. Tatanggap ng suweldo ni Corradi ng $155,000 kada taon.

Ayon sa mga bali-balita, halos parehas na raw ang dami ng daga roon sa populasyon ng mga naninirahan sa New York City. Noong 2015, may nakuhang video kung saan isang malaking daga ang naglalakad sa kanilang subway station na tangan-tangan sa kanyang bunganga ang isang malaking piraso ng pizza. Tila wala nang pakialam ang mga daga maski may mga commuter na naghihintay ng sasakyang tren.

Alam naman natin na ang New York ay malakas din sa pag-aksaya ng mga pagkain. Kaya naman hindi kataka-taka na pista ang mga daga roon na naghihintay lamang sa gilid ng kanilang mga basurahan. At alam ba ninyo na nagtayo pa ang New York City ng “Rat Academy”? Ito raw ay upang makatulong sa pagbibigay edukasyon upang makatulong mabawasan ang populasyon ng daga. Huwaw!

Tulad dito sa Metro Manila, marami rin daga dito. Sa katunayan, ang sakit na leptospirosis ay mula sa dumi ng daga na humahalo sa tubig-baha tuwing pagsapit ang panahon ng tag-ulan. Hindi rin biro ang populasyon ng daga sa Metro Manila.

Umabot kaya ang Metro Manila o ang progresibong mga lungsod sa Pilipinas na magkakaroon ng pangangailangan ng isang Rat Czar? Sa ngayon, ang Metro Manila ay mayroong ‘Traffic Czar’sa ngalan ng ahensya ng MMDA. Huwag naman sana umabot sa sitwasyon na maging isang malaking suliranin ang paglaki ng populasyon ng mga daga sa Metro Manila.

Maging masinop, malinis palagi sa ating kapaligiran. Dapat huwag nating hayaan na dumami ang mga daga sa ating lugar.

109

Related posts

Leave a Comment