TUWING may isinusulong na dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor, asahan na ang kabuntot nito ay mga diskusyon, diskurso, sapantaha, at pasubali na ang tinutumbok ay kung ang panukala ay akma sa sitwasyon, may hadlang o matutuloy.
Ang P150 dagdag sa kada araw na sahod ng mga empleyado sa private sector ay isinusulong ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
Ang Senate Bill No. 2002 ay naglalayong taasan ang sahod ng lahat ng mga nasa private sector sa lahat ng rehiyon, agricultural at non-agricultural.
Bantulot ang ibang manggagawa sa hahantungan ng panukala lalo pa’t inaari ng iba na ito ay paraang tugon at pampalubag sa mga nangangantiyaw sa senador hinggil sa P50,000 inflation ayuda na ibinigay niya sa mga empleyado ng Senado.
Ngayon pa lang ay inaalat na ang mga manggagawa dahil hindi na aabot sa Labor Day o Mayo 1 ang pasya ng Senado kaugnay sa P150 dagdag-sahod. Magbabakasyon na ang Kongreso para sa Semana Santa at sa Mayo 8 na ang kanilang balik.
Ayan, bakasyon ang isang interbensyon. Lalawig pa ang paghihintay ng mga umaasang maisasabatas ang umentong P150.
Sabi nga ni Sen. Jinggoy Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, pag-aaralan pa nila ang panukala at isasalang pa nila ito sa mga pagdinig. Matatagalan talaga at malamang maudlot.
Sa Kamara, itinutulak naman ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc ang P750 dagdag sahod.
Nauna namang ipinahayag ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) na hindi kakayanin ng mga kumpanya ang P150 na umento. Anila, sampung porsyento lang ng mga kumpanya sa bansa ang may kakayahan na magbigay ng umento at mapipilitan magsara ang maliliit na negosyo.
Pero sinopla ito ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na nagsabing pamba-blackmail ang ginagawa ng ECOP gamit ang MSMEs.
Kailangang ikonsidera ang kalagayan ng mga employer, partikular ang mga MSME, na nakababangon pa lang mula sa pandemya.
Hindi hihinay ang diskusyon at argumento sa umentong P150. Titindi pa ang balitaktakan gawa ng babala ni Zubiri na maraming Pilipino ang mapipilitang mangibang-bansa kapag hindi pumasa ang kanyang panukala.
Malabnaw na pagmamaktol? Walang katuturang babala.
Kung nais ng pamahalaan na mabigyan ng disenteng pamumuhay ang mga Pilipino ay tiyakin muna nila ang seguridad sa trabaho, magtatag o humikayat ng mga mamumuhunan.
Mahalaga ang wage increase, ngunit maliit na parte lamang ito sa malaking problema sa sektor ng paggawa at ekonomiya sa bansa.
Dahil hindi kakayanin ng maliit na negosyo ang umentong P150, nasa malalaking korporasyon o kompanya ang hamong tugunan ang kahirapan ng mga kumikita ng minimum wage. Ibahagi naman nila ang kanilang kinikita at yaman sa mga manggagawa na kasangkapan nila sa pagtakbo ng negosyo. Munting sakripisyo lang nila ito na ang katumbas naman ay benepisyo at ginhawa ng manggagawa.
