MURA O MAPAPAMURA KA SA PRESYO NGAYON NG BIGAS?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

UMARANGKADA na ang bentahan ng mas murang bigas sa ilalim ng Rice-For-All Program ng gobyerno.

May ipagyayabang na naman ang administrasyon ni PBBM.

Gaano kamura? Aba, mula P45 kada kilo ay ginawa itong P43. Ayan, bahagyang magmumura lang pala kaya ang dami napapamura, at sa Kadiwa stores ito mabibili. Bigas para sa lahat pero hindi naman kalat sa buong bansa.

Tuloy, kabado tayo kung patikim lang ito, o pasakalye ng bigla ring balik-sa-dating presyo o mas magmamahal pa.

Pero, paglilinaw ng Department of Agriculture (DA) ay maaari pang mabawasan ang kasalukuyang presyo sa pamilihan at posible pang mapababa sa P39 sa susunod na taon.

Gustong pababain pero utay-utay na gagawin, pero baka pangako rin lang ito. ‘Di bale utay-utayin basta sumadsad at umabot sa P20 na nuno ng mga pangako.

‘To palang bahagyang baba ng presyo ng bigas ay hindi pinondohan dahil ito ang totoong presyuhan mula sa mga magsasaka.

Ang mga magsasaka ay direkta nang nakapagbebenta ng ani. Wala nang middleman o dealer o kaya ahente?

Sige, walang subsidiya, pero hindi kaya inuuto ang mga consumer para bumango ang nasa poder?

Malapit na eleksyon kaya siyempre kakailanganing magpasuwabe nang walang masabi ang mga madaling bilugin ang ulo at malansi.

Sa panahong dapat kumbinsihin ang mga botante ay mabisang sandata ang pagbibigay ng kaunting ginhawa sa subsob na sa hirap na mamamayan. Konting pitik at tapik lang naman ‘yan.

Abangan natin kung totoo ang sinasabi ng DA na magtutuloy-tuloy ang bentahan lalo’t may naimbak nang bigas sa susunod na taon.

Kasabay rin nating bantayan kung tiyak ngang mas maraming Kadiwa stores ang itatayo hindi lang sa Kalakhang Maynila kundi sa buong bansa.

Solusyon ba ang Rice-For-All Program sa pagpapababa ng presyo ng bigas? Idagdag pa natin ang patuloy na pagbebenta ng NFA ng P29 kada kilo ng bigas, aba, baka matumal na ang bentahan ng mga retailer nyan.

Pero, ang totoong programa na dapat ibandera at ipatupad ng pamahalaan ay sapat at may kalidad na bigas na abot-kaya ng lahat.

o0o

Totoo ngang ‘Bilog ang mundo’.

Ang dating mabangong pangalan ng Duterte, ngayon iniiwasan na.

Pero higit na nakatatawa, ‘yun mga dating pumapalakpak ay siya ngayong nagdidiin sa dating administrasyon sa mga krimen daw nito.

Hindi na bago na kapag nagpalit ng administrasyon ay binubunton ang sisi sa mga kapalpakan sa gobyerno sa nakaraang mga nasa poder. Kumbaga, kalakaran na ito. Pero ang kakaiba ngayon, sa dami ng mga korupsyon at krimen sa nakalipas mukhang walang gustong magpaiwan at sumama sa paglubog ng barko.

Ididiin nila si Duterte para siyang solong sumalo ng lahat.

Paalala ito sa mga nasa gobyerno na palaging gawin ang tama. Iwasan ang pagmamalabis, pagnanakaw at abuso dahil sabi nga, may hangganan ang lahat.

There will always be a day of reckoning.

8

Related posts

Leave a Comment