NAGKATAON LANG BA O NAKATADHANA?

SA kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas, isa marahil sa mga pinakamakulay – kung hindi man pinaka-kontrobersyal – ay ang nalalapit na halalan sa Mayo 9 ng susunod na taon.

Naging kapana-panabik ang bawat bitaw ng mga salita ng mga aspirante sa posisyon ng pangulo, kabi-kabilang pangako, palitan ng patutsada at mga pagsisiwalat na lubhang mahalaga sa mga botanteng pipili ng susunod na presidente.

Kung tutuusin, hindi na bago ang ganitong kalakaran, maliban sa isang bagay, ang pagsabak ni Ret. General Antonio Parlade, na lubhang ikinagulat ng administrasyong Duterte.

Noong aktibo pa sa serbisyo, bihirang magbitaw ng salita ang retiradong heneral na may kaugnayan sa pulitika, minsan siyang nagsilbing taga­pagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), naitalaga sa sensitibong pwesto sa National Security Council.

Ang kanyang bawat bitaw, lumilikha ng ingay sukdulang ikawindang ng lipunan. ­Kama­kailan lang, nagpatutsada ang kinatatakutan ng mga komunista, laban naman kay Senador Bong Go na aspirante sa ­inaasam na pwesto sa Palasyo.

Aniya, sadyang maimpluwensya ang bawat bulong ni Go sa Pangulo, kaya naman tayo nasadlak sa malaking sakit ng ulo, bagay na batid umano ng bawat sundalong sumumpang protektahan ang mamamayang Pilipino.

Sa tinuran ni Parlade, na­windang ang Palasyo. ­Dangan naman kasi ang tinaguriang paborito ng Pangulo, ‘di naman pala ang “chosen one.”

Sa pitak ng batikang peryodistang si Mauro Gia Samonte, minsan niyang sinabing nakagawian ng Pangulo ang pagpili ng karapat-dapat na magmana ng pwesto sa Palasyo, pero hindi si Go kundi si Parlade, base sa kanyang pagsasaliksik sa kasaysayang naglalahad ng pag-upo ng isang mula sa Tanggulang Pambansa sa Palasyo sa tuwing ikalimang Pangulo.

Ayon kay Ka Mauro, si ­Heneral Emilio Aguinaldo ang una, kasunod sina Ramon Magsaysay at Fidel Ramos na kapwa

nagsilbing Kalihim ng Department of National Defense (DND) bago naging Pangulo.

Sa mga aspirante sa Mayo, tanging si Parlade ang mula sa hanay ng militar, bagay na ayon kay Samonte ay pwedeng tadhana ni Parlade na aniya’y ­tanging solusyon sa insureksyon.

Sa puntong ito, mapapaisip ka na lang, si Parlade nga ba ang babasbasan ni Duterte sa pag-atras ni Go? Eh paano na ang nangunguna sa mga political survey na si dating Senador Ferdinand  “Bongbong” Marcos (BBM)?

Si BBM ang isinisigaw ng nakararami maging dito man o sa ibang bansa na may mga Pilipino.

Tadhana nga ba o nagkataon lang?

oOo

Para sa suhestiyon o reaksyon mag-email sa joel2amo-ngo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

2

Related posts

Leave a Comment