NALULUNOD NA TAUMBAYAN PERO PONDO PINAG-AAWAYAN

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA gitna ng bangayan sa pondo ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan para sa susunod na taon, tila nakaligtaan ang iba pang seryoso ring problema ng bayan.

Talagang hindi magkakaige ang mga nasa poder dahil may kanya-kanya silang interes sa pondo. Masarap na nga lamang magbaon ng popcorn habang pinanonood ang budget hearing sa Kongreso. Kaya hayaan muna natin silang magngatngatan at sa huli makita kung sino-sino talaga ang mga lumulustay sa pondo ng bayan.

Ngayong may namumuo na namang sama ng panahon, marami ang nangangamba dahil hindi pa nga sila nakakaahon mula sa pinsala ng magkakasunod na bagyo ay posibleng mag-evacuate na naman sila at maglinis ng putik. Iyon ay kung may matira sa kanilang tirahan at hindi ito tangayin ng baha.

Kahit nahilot ng pinamudmod na relief goods ang ibang sinalanta, marami pa ring ayaw lumubay sa kanilang panawagan sa gobyerno na solusyunan ang walang katapusan at paulit-ulit na mapaminsalang epekto ng mga pag-ulan — ang baha.

Ngayong panahon ng tag-ulan at bagyo, tila hindi pa rin matukoy kung ano ang pinaka-ugat na sanhi ng pagbaha kahit sa Itinuturing na matataas na lugar na dati ay hindi kilala ng baha. Ano ba ang tunay na salarin ng pagbaha?

Kamakailan, sumugod sa punong-tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources sa Quezon City ang iba’t ibang grupo at mga binaha sa Rizal noong Bagyong Enteng, upang ipanawagan na ikansela ang mining at quarrying permits sa Rizal province. Ang pagmimina umano ay sanhi ng mga pagbaha. Nanawagan ang mga nagprotesta para sa malakas na mga hakbang para protektahan ang likas na yaman ng lalawigan.

Isinisisi naman ng iba sa mabilis na urbanisasyon ang pagbaha. May maliit na epekto lamang daw ang quarrying kumpara sa urbanisasyon sa malaking pagbaha.

Sa paghahambing, umaabot lang sa halos 350 ektarya ang sakop ng quarrying kumpara sa mahigit na 20,000 ektarya ng urbanisadong lugar. Kung pagbabatayan ang lawak ng pagpapalit-gamit ng lupa ay masasabing ito ang pinaka-salarin na sanhi ng pagbaha.

Ayon sa mga eksperto, pinalala ng urbanisasyon ang mga pagbaha dahil sa matagal at matinding buhos ng ulan ay hindi na nakakayanan ng lupa na sipsipin ang labis na tubig. Hindi na rin kayang sipsipin ng mga sementadong daan ang tubig-ulan.

Kaya, paalala ng mga eksperto, kakailangin ang tamang pagpaplano ng urbano, reforestation at mahigpit na pagpapatupad ng batas-pangkalikasan.

Kung quarrying at land conversion o pagpapalit-gamit ng lupa ang dahilan ng pagbaha ay dito dapat itutok ng gobyerno ang atensyon para makagawa ng tama at mabilis na hakbang sa mitigasyon ng epekto at problemang hatid ng pagbaha nang masolusyonan agad ito.

Ano ba talaga ang pinakamatinding sanhi o nagpapalala ng pagbaha? Hindi isa ang dahilan. Marami at kahit ang may maliit na ambag ay hindi dapat isinasantabi.

Kung may kontribusyon, dapat tuunan din ng atensyon.

Itigil ang pagmimina kung kinakailangan. Bawasan ang urbanisasyon. Suriing maigi ang dahilan ng pagpapalit-gamit ng lupa. Itigil ang pagkalbo ng kagubatan. Maayos na pagpaplano at implementasyon ng mga programa para isaayos ang pagkakamali at pagpapabaya ang nararapat ding makita sa mga nasa kinauukulang ahensya at sa pambansang pamahalaan.

Pero, ang higit na tamang aksyon at gawi ay itigil ang pagwasak sa kalikasan.

Paano mahihinto ang mga aktibidad na nakasisira sa kapaligiran, ngunit pinakikinabangan ng ibang may kapangyarihan sa pamahalaan?

Nasa mamamayan ang puwersa at boses para mahinto ang mga maling gawa ng pagsalaula sa kalikasan.

Kaso, ang mali sa mga tao ay tinatanaw na utang na loob ang pamimigay ng mga politiko ng ayuda, biyaya at pabor. Tinatanggap ang korupsyon at ligwak na pamamahala na parang wala na silang magagawa kaya hahayaan na lamang na sila ay pagnakawan, abusuhin at pagkaitan ng tunay na serbisyo.

Nakikita ng mga politiko ang tunay na kalagayan ng mga tao, lalo ng mahihirap, ngunit patuloy sila sa pagbubulag-bulagan dahil ang interes nila ay hindi serbisyo publiko kundi serbisyong pampaldo ng pondo.

34

Related posts

Leave a Comment