OFW PINAPAKAIN NG PANIS NG EMPLOYER, EASTERN OVERSEAS MANPOWER TINATAWAGAN NG PANSIN

AKO OFW

Dumulog sa Ako OFW ang ating kabayani na si Sheila Mae Castillo upang humingi ng tulong sa kanyang kasalukuyang dinaranas sa Saudi Arabia.

Sa pamamagitan ng ating Ako OFW Welfare Volunteer na si Aisya Consulelo ay ipinarating n’ya ang kanyang kumpletong detalye kalakip ang mga larawan ng kanyang kalagayan.

Nakakahabag na makita s’ya sa sitwasyon na mistula s’yang itinapon na lamang sa isang palikuran o ng kanilang laundry area, na kung saan ang kanyang tulugan ay katabi mismo ng mga washing machine na may sukat lamang na sapat para makahiga siya. Wala ring kama o kutson ang kanyang higaan na naging dahilan ng kanyang pagkakasakit.

Si OFW Sheila Mae Castillo ay nakarating sa Saudi Arabia sa pamamagitan ng kanyang ahensya na Eastern Overseas Agency, na may tanggapan sa Dian St., Palanan, Makati City. Ayon sa kanyang sumbong ay, “Hindi po ako pinapakain ng aking amo. Dinala po ako ng aking employer sa kanyang magulang sa Jeddah, Saudi Arabia at doon ako natutulog sa kusina na walang sapin ang higaan. Hindi rin po ako pinapakain, at kung magbigay man ng pagkain ay panis na at malimit ay ang tirang pagkain lamang. Hindi naman po ako makapagluto ng aking sariling pagkain dahil ako po ay pinagbawalan.”

“Pinapaglinis din po ako sa ibang bahay na kaibigan o kamag-anak ng aking employer. Halos apat na buwan po ako nagkalagnat pero hindi man lang ako pinagpahinga at ipinagamot ng aking employer. Noon pong nalaman ng aking employer na ako ay nagsumbong sa aking pamilya ay agad akong sinaktan at tinutukan ng patalim. Nakikiusap po ako na tulungan n’yo ako na makauwi agad.”

Ang Ako OFW ay nanawagan sa kanyang ahensya na kung maaari ay asikasuhin at direktang makipag-ugnayan sa kanilang Foreign Recruitment Agency na Al Arfaj Manpower Recruitment na nakabase sa Saudi Arabia upang makipag-ugnayan sa pulisya ng Saudi Arabia.  Ang sitwasyon ni OFW Sheila ay akin na ring naiparating sa ating Labor Attache Nasser Mustafa at kay OWWA Welfare officer Yolanda Peñaranda. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

299

Related posts

Leave a Comment