OPEN LINE ni BOBBY RICOHERMOSO
MULING pinatunayan ni Pangulong Bongbong Marcos na isa siyang henyo pagdating sa pagpili ng mga tao na isasama niya sa kanyang Gabinete.
Ito ay matapos niyang italaga si Valenzuela City Cong. Rex Gatchalian bilang bagong kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kapalit ni dating Sec. Erwin Tulfo.
Alam naman ng lahat kung gaano ka-epektibo at kagaling si Sec. Erwin sa DSWD subalit sa kasamaang-palad ay hindi siya nakapasa sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) dahil na rin sa ilang kadahilanan.
Kaya bagama’t masakit sa kalooban ni PBBM na makitang lumisan si Tulfo sa Gabinete ay wala siyang nagawa, dahil kailangan niyang sumunod sa itinatakdang mga patakaran kaugnay ng pagtatalaga sa kanya bilang opisyal ng pamahalaan.
Kaya naman hindi kataka-taka na medyo natagalan si PBBM sa paghahanap ng isang worthy successor ni Tulfo sa DSWD dahil alam niya kung gaano kasensitibo ang posisyong iniwan ng beteranong journalist.
Alam nating ang DSWD ang primary social service arm ng pamahalaan na may mandatong ihatid sa taumbayan ang inaasahang basic social services galing sa gobyerno at magpahatid din ng mga agarang tulong sa panahon ng mga sakuna at kalamidad.
At hindi nagkamali si PBBM sa pagpili kay Cong. Rex bilang DSWD head dahil may totoong puso siya sa paglilingkod sa bayan.
Bukod kasi sa kasalukuyan niyang posisyon na isang mambabatas na dati na rin naman niyang puwesto, ay naglingkod din siya ng siyam na taon bilang mayor ng Valenzuela City.
At ang panahong iyon ay maituturing na pinakamatagumpay para sa lungsod sapagkat inilunsad niya ang napakaraming mga reporma at innovation para maibigay sa mamamayan ang pinakamahusay at pinakamagaling na serbisyo.
Dahil doon ay nagkamit ng kabi-kabilang mga parangal ang lungsod mula sa iba’t ibang award giving bodies mula sa private at public sector.
Kinilala siya at binigyan ng International Peace Laureate for Public Service noong 2019 ng Sino-Phil Asia International Peace Awards Foundation, Inc.
Napili rin siya bilang Manila 40 Under 40 International Development Leaders noong 2013, bukod pa sa napili rin siya bilang Best Mayor ng Camanava noong 2008, Ten Outstanding Young Men awardee noong 2011 at marami pang iba.
Sa madaling salita ay hindi talaga nagkamali si PBBM sa pagpili kay Cong. Rex bilang kapalit ni Tulfo dahil tiyak na mapupunuan niya ang malaking sapatos na iniwan ng kanyang predecessor.
Siyanga pala, ang isa pang magandang kwalipikasyon ni Cong. Rex bukod sa pagiging graduate niya sa George Washington University sa USA, ayon na rin sa kapatid niyang si Sen. Win Gatchalian, ay ang pagiging single niya hanggang sa ngayon.
Yup! Dahil single siya ay mas marami siyang oras na matutukan ang kanyang trabaho lalo na sa panahon ng mga kalamidad at ang mga tulad niyang opisyal ang kailangang-kailangan sa ating pamahalaan para maglingkod sa bayan.
Abangan ang susunod na kabanata!
