NITONG mga nakaraang linggo ay marami ang nagreklamong kliyente ng Banco De Oro (BDO) dahil nawalan sila ng pera matapos daw makaranas ng cyberattack ang nasabing bangko.
Isang nagngangalang Pregie Garin na kliyente ng BDO ang nawalan ng P100k sa account niya.
Si Garin ay sumama sa isang grupo ng BDO account holders na nabiktima ng cyber attack na nagsama-sama para mabawi nila ang kanilang pera.
Dumami na ang grupo at umabot na sila ngayon ng mahigit sa 200 miyembro.
Ipinarating na ng grupo ang kanilang problema sa pamunuan ng bangko subalit sinabi sa kanila na kailangan muna raw ng 5 banking days bago malaman ang resulta ng imbestigasyon nila.
Gusto ng grupo na malaman nila kung kelan maibabalik ang kanilang mga pera dahil pinaghirapan nila ito.
Ang problema ay kanila nang ipinarating sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para kalampagin ang BDO na maibalik ang kanilang mga pera.
Nasa P40k hanggang P200k ang nawalang pera mula sa ibang miyembro ng grupo.
Isa rin rito si Arvic Ramos na OFW mula sa Kuwait, nadismaya siya sa nangyari dahil sadyang naging maingat siya sa kanyang online account, subalit naging biktima rin siya ng cyberattack.
Totoo nga ba ang cyberattack? Kung totoo dapat may maparusahan sa kanila.
Hindi raw siya basta nagbibigay ng kahit anong information sa ibang tao dahil alam niya sa ganitong panahon, uso ang hacking-hacking na ganyan.
Nangako naman ang pamunuan ng BDO na ibabalik ang pera ng mga apektadong “innocent clients”.
Nagdagdag na rin daw ang bangko ng security controls para maiwasan ang mga ganitong pangyayari.
Ganunpaman ay isang kongresista ang naghain ng resolusyon para sa isang imbestigasyon sa pangyayaring pagkawala ng pera ng depositors ng BDO.
Lumalabas na ang system ng bangko ay na-compromise kaya dapat ma-secure ang depositors sa pamamagitan ng pag-adopt sa makabagong teknolohiya.
Kung hindi magagawa ng bangko ito, patunay ito na may pagkukulang sila sa kanilang mga kliyente.
Binanggit naman ng National Privacy Commission na pinag-aaralan nila kung may nanakaw rin na personal data ang mga kawatan at hinihintay nila ang report ng BDO data protection officers.
Minsan na ring nabiktima ang anak ko ng ganitong klaseng pagkawala ng P2,500 na bahagi ng kanyang sweldo na dumadaan sa kanyang BDO account.
Ang halagang ‘yan ay hindi na nakuha ng anak ko na pinaghirapan niya sa kanyang pagtatrabaho.
Katumbas na ‘yan ng isang sakong bigas na kukunsumuhin sana namin sa loob ng isang buwan.
Ang mga ganitong pangyayari na kaya tayo naglalagay ng pera sa mga bangko ay para maging safe ang ating pinaghirapan tapos mawawala lang sa isang iglap, ay nakakadismaya.
Kung high-tech ang mga hacker dapat mas high-tech ang bankers.
Nakasalalay po rito ay ang kapakanan ng depositors para magtiwala kami na hindi masasayang ang aming pera na naka-deposit sa inyong mga bangko.
Kung hindi rin lang safe ang aming mga pera sa mga bangko, bakit pa kami magdedeposit?
Kaya dapat siguraduhin ng mga bangko na ang mga nasa likod ng cyber attack na ito ay maparusahan at bilisan din ang pagbabalik ng pera ng mga depositor.
Lalo na ngayon na panahon ng gastusan dahil sa Kapaskuhan at ang kanilang nakadeposito sa bangko na pera ang kanilang inaasahan na huhugutin subalit wala silang mawi-withdraw. Paano na ang Pasko?
Sinikap po ng PUNA na makuha ang panig ng BDO subalit wala po tayong
nakausap sa kanila.
Merry Christmas po sa ating lahat, God Bless Us All!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
