PAGBALIKTAD NG DEGAMO SUSPECTS DAPAT IGALANG

BISTADOR ni RUDY SIM

NAKALULUNGKOT isipin na marami sa ating mga kababayan na sa tuwing mayroon tayong naririnig na balita na mayroong mga suspek na akusado sa isang kaso na bumaliktad at binago ang kanyang naunang salaysay, ay papasok agad sa isipan ng iba na ito ay nabayaran. Ngunit dapat din nating suriing maigi ang kanilang panig upang malaman ang katotohanan.

Mas pinili ng maraming akusado sa anomang ikinaso sa mga ito, ang manahimik na lamang at aminin ang krimen kahit hindi nila ito ginawa dahil sa matagal nang kalakaran sa ating mga alagad ng batas na sila ay pinahihirapan sa pamamagitan ng torture, at sa kadahilanang walang pera ang mga ito sa pagkuha ng magaling na abogado na magtatanggol sa kanila.

Ngunit nariyan lagi ang mga abogado mula sa Public Attorney’s Office (PAO) na naka-alalay sa tuwing inquest proceedings ng isang suspek hanggang sa humarap ito sa husgado. Marami rin naman dito ang talagang seryosong ipinagtatanggol ang kanilang kliyente ngunit dahil ito ay libre ika nga, ay ‘wag na natin asahan na makikipagboksing at makikipagtagisan ng galing ang mga ito sa kanilang pinag-aralan sa batas.

Noong ako ay nagsisimula pa lamang sa larangan ng pagsusulat ay marami tayong nakapanayam na mga suspek na nakapiit sa mga kulungan at karamihan sa kanilang naging mapait na karanasan ay imbes na ipagtanggol umano sila ng public lawyers ay papayuhan lamang sila na aminin na lang na ginawa nila ang krimen upang hindi na humaba ang labanan sa korte at upang mapababa ang sentensya sa kanila.

Ganoon ba talaga kapag mahihirap na walang perang pambayad sa abogado, ang sila’y hayaang masadlak sa kulungan at malayo sa kanilang pamilya, dahil lamang sa pag-amin sa kanilang kaso na hindi naman nila ginawa? Alam natin na halos mapiga ang utak ng mga nag-aaral ng abogasya sa maraming taon na kanilang pag-aaral ng batas. Ngunit ito ba ang kapalit ng kanilang paghihirap, ang piliin lamang ang dapat na ipagtanggol upang mabawi ang kanilang gastos sa pag aaral?

Hindi man natin hinuhusgahan at sinasabing walang kinalaman sa krimen ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na si Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr., ngunit kailangang tingnan muna ng pamahalaan ang panig ng mga akusado na sumisigaw na sila’y pinahirapan at tinakot para lamang ituro si Teves na siyang nag-utos sa kanila para patayin si Degamo.

Noong bago pa man pinili ni PBBM si Remulla upang mamuno sa Department of Justice (DOJ), ay nagpahayag ito na kanyang bibigyan ng hustisya ang mga taong naapi. Pero bakit ngayon ay tila minamaliit lamang ni Remulla ang pagbaliktad ng mga suspek, at sinabing nakialam si Teves na itinanggi naman ng kongresista.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

117

Related posts

Leave a Comment