PAGBUWAG SA BI-POD SET-UP?

BISTADOR ni RUDY SIM

PORMAL nang nilusaw ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang Port Operations Division ng Bureau of Immigration matapos ang kaliwa’t kanang kontrobersya na muling yumanig sa ahensya sa kasalukuyang pamahalaan.

Nagpalabas si Remulla ng Department Order No.064 kung saan ay ipinag-utos nito na ibalik sa kanyang mother unit sa Legal Division ng BI si POD acting chief, Atty. Carlos Capulong.

Ang POD ang siyang nangangasiwa sa pagbantay sa gate papasok at palabas ng ating bansa upang protektahan ang pambansang seguridad at protektahan ang ating mga kababayang posibleng biktima ng human trafficking.

Matatandaang nakaladkad muli ang BỊ matapos na sumabit ang ilang tauhan ng Clark International Airport at NAIA kaugnay sa pakikipagsabwatan ng ilan sa mga immigration officer na sina alias “Notary Public” na bagman umano ng isang opisyal ng CIA, na hindi natinag sa ginawang pagdinig kuno sa Senado.

Maganda ang hangarin ni Remulla kung nais nitong mabago ang BỊ laban sa katiwalian. Ngunit kung itoy isang palabas lamang at gumamit ng fall guy upang sabihing naglilinis ay huwag naman sana dahil mas marami pa rin ang matitinong kawani ng ahensya at may mga pangalang pinangangalagaan na masisira lamang dahil sa maruming kalakaran sa pulitika.

Bagamat ang Pastillas scheme na kinasangkutan ng ilang mga tauhan ng POD noong nakaraang administrasyon na ngayon ay nahaharap sa kaso sa Sandiganbayan, sana’y maging patas ang timbangan ng katarungan upang lumabas ang katotohanan.

Sa panahon ni dating BỊ Commissioner Jaime Morente ay naging matibay ito kay PRRD at natapos ang anim na taong panunungkulan nito kasabay ng Pangulo. Ngunit lingid sa kaalaman ng publiko ay mas naging malala pa ang korapsyon sa ilalim ni Morente lalo sa airport na patuloy pa rin noon ang buhos ng mga dayuhang Chinese na dumarating sa ating bansa.

Naging gatasan din sa ilalim ni Morente ang ‘recall of exclusion order’, ito ay ang pagbibigay ng pabor sa mga dayuhang hinarang ang pagpasok sa bansa upang sila’y payagang makapasok kapalit ang malaking halaga.

Kapansin-pansin ang naging pagdinig ng expose kuno ni Senator Hontiveros kaugnay sa mga Pinoy na pinalusot sa Cambodia, ay tila wala nang pangil at bakit kaya hindi man lang nagalaw itong hepe ng Clark Airport na si Maan Lapid samantalang nasa ilalim ng kanyang command responsibility ang nangyaring katiwalian sa Clark. Mayroon kayang nakialam?

Hindi lamang dapat kasuhan itong si alias “Notary Public” kundi nararapat na silipin ng DOJ ang lifestyle ng kumag na ito at baka wala sa kanyang SALN ang ilang mamahaling sasakyan at mansion nito sa Laguna.

Para sa inyong sumbong at reaksyon, i-text lamang ako sa 09158888410.

 

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

51

Related posts

Leave a Comment