Pagiging isang lider sa makabagong panahon

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

TULOY-TULOY na nagbabago – ganito inilalarawan ang napakaraming bagay kabilang ang iba’t ibang aspeto ng propesyunal na larangan.

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga lider sa tagumpay, hindi lamang ng kumpanya kundi pati na rin ng mga empleyado sa likod nito.

Ayon sa Harvard Business Review, pag-uutos at pagkontrol ang dating mekanismong ginagamit ng mga manager para patakbuhin nang maayos at matagumpay ang mga proyekto. Pero kagaya ng napakaraming bagay, nagbago na rin ito.

Dahil sa naturang mabilis na pagbabago, hindi na masasabing alam ng mga manager ang lahat. Ngayon, bilang mga lider, malaki na ring bahagi ng kanilang papel ang pagbibigay ng suporta at patnubay, hindi lamang para maging matagumpay ang mga proyekto, kundi para na rin mas maging empowered ang mga empleyado.

Saksi ako sa nakararanas ng ganitong klaseng pamumuno, at bilang isang manager, alam ko rin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng magandang kultura sa trabaho kung saan natututo ang lahat sa bawat isa, at nabibigyang halaga ang kanilang mga ambag para maging matagumpay ang mga proyekto.

Mapalad akong maituturing dahil nagkaroon ako ng maraming oportunidad na makatrabaho ang mahuhusay na lider.

Sa una kong trabaho bilang peryodista sa isang business newspaper, natutunan ko ang kahalagahan ng pagiging disiplinado at respeto sa propesyon – mga bagay na hanggang ngayon ay sobrang pinahahalagahan ko.

Nang lisanin ko ang trabahong iyon para lumipat sa corporate world, napunta naman sa ilalim ng isang lider na sanay na sanay makipag-kapwa tao. Sobrang iba ito sa nauna kong trabaho kaya marami akong natutunan na nadala ko pa rin kung nasaan ako ngayon.

Ang pagpasok ko sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ko ngayon ay wala sa plano pero masasabi kong isa sa pinaka-providential at life-changing na nangyari sa buhay ko. Dito ko nakasama ang isang lider na masasabi kong talagang sobra ang pagpapahalaga sa trabaho at sa mga taong kanyang pinapangasiwaan. Para sa kanya, mahalagang mabigyan ng oportunidad ang mga lider – anoman ang edad nila – basta mayroong dedikasyon at kakayahang makatulong sa tagumpay ng kumpanya.

Dahil sa kanya, pinalad rin akong makapasok sa isang coaching program ng kumpanya na naglalayong magkaroon ng empowered na babaeng lider. Para sa akin, napakaganda ng programang ito lalo na’t ang kumpanyang ito ay nasa isang industriyang karamihan ay pinapatakbo ng kalalakihan.

Sa pamamagitan ng programang ito, nagkaroon ako ng oportunidad na matuto mula sa aking coach at mas makilala pa ang aking sarili. Sa kanyang patnubay, nagiging mas maalalahanin ako sa napakaraming aspeto ng pamamahala na kadalasan hindi napapansin dahil sa sobrang pagtuon sa araw-araw na gawain.

Malaki ang responsibilidad ng mga lider dahil pati ang papel na kanilang ginagampanan ay patuloy na nag-e-evolve. Kaya nga mapalad ako sa mga naging manager ko sa mga nauna kong trabaho, at higit pang naging mapalad dahil ngayong nagsisimula na rin akong magkaroon ng mas mabigat pang responsibilidad sa kinabibilangan kong organisasyon – kasama ko naman ang aking manager at ang aking coach na nagsisilbing gabay at inspirasyon sa akin.

Marami pang pagsubok ang darating pero nagpapasalamat ako na biniyayaan ako ng mga taong walang sawang tumutulong, naniniwala at sumusuporta para magawa ko ang aking mga tungkulin, at para makatulong pa hindi lamang sa kumpanya kundi sa mga kasamahan sa trabaho.

Pasasalamat at pag-asa ang baon ko sa pagsalubong natin sa napakahalagang araw na ito kung kailan ipinagdiriwang natin ang kapanganakan ni Hesus na magliligtas sa atin. Maligayang Pasko po sa ating lahat!

129

Related posts

Leave a Comment