PAGKAIN MUNA

SA gitna ng nagbabadyang gutom, pinakamainam ang naging desisyon ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. Aniya, sa tindi ng problemang kinakaharap ng bansa, siya na muna ang kukumpas sa Department of Agriculture.

Babala ng international institutions kabilang ang World Trade Organization at Food and Agricultural Organization ng United Nations, isang food crisis ang nakaamba bunsod nang patuloy na banta ng pandemya at umiinit na hidwaan sa pagitan ng Ukraine at Russia – lalo na sa mga bansang umaasa sa inaangkat na pagkain.

Ang totoo, higit na apektado ang mga maralita sa nagbabadyang krisis. Bagama’t hindi naman kinakapos ang supply mula sa food-exporting countries, inaasahan ang pagtaas ng lahat ng presyo ng mga bilihin – bagay na lubhang iindahin ng mga pamilyang halos pagkasyahin lang ang kakarampot nilang kita.

Sa pag-upo ng susunod na pangulo sa DA, kabilang sa isasalang niyang prayoridad ay ang tiyakin ang sapat at abot-kayang pagkain sa nasasakupang mamamayan.

Kung pagbabatayan ang kanyang mga binitawang pangako noong panahon ng kampanyang kalakip ng halalan, isa sa kanyang tiniyak ay ang pasiglahin ang sektor ng agrikultura – partikular sa produksyon ng bigas, asukal, gulay, isda at mga karneng baka, manok at baboy.

Sa nakalipas na mga panahon, ilang ­pangulo na ba ang nangakong pasisiglahin ang sektor ng agrikultura? Ang sagot – lahat sila, pero tanging si Marcos Jr. lang ang ­pangulong uupo sa nasabing departamento.

Sa kanyang sabayang pagganap bilang pangulo at Agriculture secretary, target niyang limitahan ang pag-angkat ng pagkain mula sa ibayong dagat. Sa halip na umangkat, nais ng susunod na pangulo na alalayan ang mga magsasaka, mangingisda at maging yaong maliliit na negosyanteng pasok sa industriya ng paghahayupan.

Sa isang banda, tama ang pangulo. Pinaka-angkop ang pagpaparami ng ani kesa paghahagilap ng bansang bibilhan ng ating mga pangangailangan. Walang dahilan para umangkat ng bigas, prutas at gulay sa lawak ng lupang pwedeng pagtaniman. Wala rin ­dahilan para mag-import ng isda dahil sa lawak ng ating pangisdaan. Wala na dapat angkatin kung mapapaunlad ang sektor ng agrikultura.

Ang problema lang, marami siyang masasagasaan – mga mapagsamantalang negosyante, agri-smugglers at maging ang mga tiwaling taong gobyerno sa kanyang ­pamumunuang kagawaran.

85

Related posts

Leave a Comment