THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
NAPAKARAMING pagsubok na kinahaharap ang sektor ng transportasyon sa Pilipinas, at hindi nakatutulong na tila ba wala ring malinaw na solusyon na makakaresolba sa hinaing ng iba’t ibang mga stakeholder – partikular na ang mga operator at driver ng public utility vehicles (PUVs) at siyempre, tayong mga commuter.
Nakalulungkot na ngang isipin ang kasalukuyang estado ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas kumpara sa mga karatig-bansa, at mas nakapanlulumo pa na para bang wala namang katapusan ang mga problemang pinagdadaanan nito.
Nakakasa pa ngang ilunsad ngayong araw ng Lunes, Oktubre 16, ang tigil-pasada ng Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers (MANIBELA) na nagtulak para naman magsuspinde ng klase ang ilang mga paaralan para hindi mahirapan ang mga estudyante. Pero ang mga abang commuter na papasok sa trabaho, hindi naman ligtas sa maaaring perwisyong dulot nito.
Sa tuwing magkakaroon ng tigil-pasada o strike ang malalaking transport groups sa bansa, naghahanda naman ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at ilang local government units (LGUs) na umalalay sa pamamagitan, halimbawa ng mga libreng sakay.
Pero palagi lang naman ganito. Sa bandang huli, magkakaroon ng pangakong pag-uusapan at bibigyan ng solusyon pero hindi naman nagkakatotoo.
Alam naman nating lahat, dahil din paulit-ulit na nga nating pinag-uusapan, na mahalaga na magkasundo ang pamahalaan at ang mga stakeholder para magkaroon tayo ng maayos at sustainable na pampublikong transportasyon.
Ayon sa MANIBELA, layunin ng gagawin nilang tigil-pasada ang pagkontra sa modernisasyon ng mga tradisyunal na jeepneys sa ilalim ng PUV modernization program.
Sa ilalim ng programa, kailangan ng jeepney drivers at operators na sumali sa mga kooperatiba o kumpanya hanggang katapusan ng Disyembre para tuluy-tuloy pa rin silang makabyahe. Talagang layunin ng programa ang mapalitan ang mga tradisyunal na jeepneys ng mas modern at environment-friendly na sasakyan, dahil na rin nakadudulot ang mga ito ng polusyon at ang sektor ng transportasyon ang pinakamalaking kontribyutor dito.
Bagama’t maganda naman ang layunin ng programa, marami pa kasing isyu ang tila hindi nabibigyan ng solusyon. Hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na mas mahal ang modernong units kumpara sa tradisyunal na jeepney, at masyadong mabigat ang gastusing ito para sa mga driver. Pangamba ng marami, baka imbes na bumuti ang kita, mawalan pa sila ng pangkabuhayan.
Noong Marso, magpapatupad din dapat ang transport groups ng tigil-pasada pero si Pangulong Bongbong Marcos na mismo ang nangako na pakikinggan ang hinaing ng mga grupo bago tuluyang ipatupad ang program na dapat sana ay nito pang nakaraang Hulyo nangyari.
Giit naman ngayon ng MANIBELA, walang diskusyong naganap at hanggang ngayon, hindi pa rin sila napakikinggan.
Ang tagal-tagal na nitong PUV modernization program na ito. Matatandaang taong 2017 pa nang ilunsad ang programa at ilang administrasyon na rin ang lumipas, patuloy pa rin ang mga tigil-pasada, patuloy pa rin ang mga hinaing.
Hindi rin nakatulong na kamakailan lang nasangkot ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa isyu ng korapsyon, pagkatapos lumantad ang isang dating executive assistant na nagsiwalat ng lagayang nagaganap sa LTFRB.
Isa rin ito sa isyung natukoy ng MANIBELA.
Sinuspinde na rin naman ng Pangulo ang dating opisyal ng LTFRB na sangkot sa isyu, kung saan nagkakaroon daw ng bayarang pumapalo sa 5 milyong piso para magkaroon ng prangkisa at permit sa ilalim ng PUV modernization program.
At ilan pang transport groups ang nagbantang magpapatupad ng tigil-pasada kung hindi matutuldukan ang problemang ito.
Ito ang nakalulungkot na estado ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas. Sabihin na nating wala naman talagang perpektong ahensya, o sektor sa lipunan, pero kadalasan ang mga walang kapangyarihan at walang magagawa ang pinaka-apektado naman ng mga ganitong problema.
Sana naman bago matapos ang taon, magkaroon na ng liwanag kung ano ba ang nararapat na hakbang para maging katanggap-tanggap sa lahat at mapakinabangan nang tuluyan ang PUV modernization program.
457