PANGAKO NA NAMAN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

HINDI ko na mahintay ang talumpati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) kaya hindi ko alam kung ano ang kanyang ire-report sa bayan habang tinitipa ko ang pitak na ito.

Pero malamang sa malamang, tulad ng kanyang mga unang SONA at mga SONA ng mga nagdaang pangulo ng bansa, ay hindi niya sasabihin ang tunay na kalagayan ng ating bayan at kung ano ang pinagdadaanan ng mamamayan.

Karaniwan namang nangyayari na hindi inaamin ng Pangulo ang problema ng bansa kapag nagre-report sila sa bayan at ang lagi nilang sinasabi sa atin ay maganda ang kinakaharap ng bansa sa pamumuno nila.

Kung baga, binobola ng Pangulo ang taumbayan at pangangakuan ng langit at lupa, magbibigay ng pag-asa na madalas namang hindi natutupad lalo na kung hindi naman talaga hinaharap ang problema o kaya hindi inaamin na may problema.

May kasabihan ang mga matatanda na walang problemang mareresolba kung hindi muna aaminin na may problema. Ibig nilang sabihin, tanggapin mo muna na may problema at ‘pag natanggap mo na may problema ay hahanapan mo na ‘yan ng solusyon.

Tulad ng usapin ng kahirapan, sinabi ng alter-ego ni BBM sa National Anti-Poverty Commission na si Larry Gadon na hindi siya naniniwala na laganap ang kahirapan sa Pilipinas dahil kung lalabas ka sa kalsada, ang daming bagong sasakyan at punong-puno ng tao ang mga mall.

‘Yan ang patunay na hindi nila inaamin na laganap ang kahirapan dahil ilan lang ba ang may kakayahang bumili ng mga sasakyan, hindi porke puno ang mga mall ng mga tao ay mayaman na sila dahil kumpara sa bilang ng mga nagpupunta ng mall, mas marami ang hindi nakapupunta sa mall.

‘Yung usapin ng bigas, palagay niyo ba magtitiyaga ang mga tao na pumila sa mga Kadiwa Center para bumili ng bigas sa halagang P29 kada kilo na sinasabing luma at may amoy pa, kung hindi sila mahirap?

Dapat inaamin ang problema at saka ilatag ang solusyon kung meron man pero kung magbubulag-bulagan ang gobyerno at hindi naririnig ang daing ng mga tao, ay walang mangyayari sa ating bayan.

Tuwing SONA rin ay ang daming ipinakikiusap ang Pangulo sa Kongreso na batas na dapat ipasa para makatulong daw sa pag-angat ng bansa mula sa kahirapan at kung ano-ano pang pakinabang kuno.

Tayo lang yata ang bansa na sangkatutak ang batas na ginagawa taon-taon pero hindi naman nararamdaman ng mga tao, hindi naman umaangat ang buhay ng mga mahihirap, walang pakinabang kung baga.

Saka napapansin n’yo, ang daming batas na hindi naman iniimplementa tulad ng SIM Card law, na walang silbi at binabastos ng mga Chinese national na nagpapatakbo sa mga POGO, at scammers.

65

Related posts

Leave a Comment