PUNA Ni JOEL AMONGO
SA tinagal-tagal na pinangarap ng lahat ng media practitioners na magkaroon ng proteksyon ay baka tuluyan nang matupad ngayon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Ito ay matapos na aprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong proteksyunan ang lahat ng media workers.
Sa botong 252 pumabor at walang tumutol, pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 454 o “Media Workers’ Welfare Act.
Bagama’t naipasa na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 454, ay kailangan munang ipasa ng Senado ang kanilang hiwalay na bersyon bago ito maipatupad.
Matatandaan noong nakaraang Kongreso ay ipinasa rin ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala subalit hindi naging batas matapos hindi ipasa ng Senado ang kanilang hiwalay na panukalang batas.
Ngayon, umaapela ang Kamara sa Senado na pagtibayin nila ang kanilang bersyon para tuluyan nang magkaroon ng proteksyon ang mga mamamahayag.
“We regard the Fourth Estate as an essential partner in nation building and in protecting our democracy,” ayon kay House Speaker Martin Romualdez.
Kung ang paniniwala ng mga senador ay tulad kay Speaker Romualdez, na partner ng gobyerno ang media practitioner sa nation building, ay hindi silang magdadalawang isip na ipasa ang kanilang hiwalay na bersyon ng panukalang batas.
Malamang ay dito na magsisimula na magkaroon ng dignidad ang bawat mamamahayag sa Pilipinas.
Bakit natin sinabi ‘yan? Kasi nakapaloob sa “Media Workers’ Welfare Act” na magkakaroon ng ‘security of tenure’ ang mga mamamahayag sa bansa.
Magkakaroon din ng makatarungang sahod, at financial support kapag nadisgrasya sa pagtupad ng kanilang trabaho.
Nakapaloob pa sa panukalang batas ang P200K death benefit, P200K disability benefit at P100K medical insurance at P500 hazard pay kada araw kapag nai-deploy ang mga ito sa delikadong lugar.
Karagdagan pa ang Social Security System (SSS), Home Development Mutual Fund o PAGIBIG Fund, at Philippine Health Insurance (PhilHealth) at magkakaroon din ng News Media Tripartite Council na siyang mamamagitan sa employers at mga empleyado na hindi nagkakasundo sa benepisyo at karapatan sa paggawa. Saan ka pa?
Marami nang nagdaan na administrasyon pero walang matibay na batas na nagpoprotekta sa aming hanay.
Kaya ngayon, malaking bagay na naaprubahan na sa Kamara ang panukala, ang Senado na lang ang hinihintay ng mga miyembro ng media para sa kanilang bersyon.
Sana gawin ng mga miyembro ng Senado ang kanilang tungkulin para protektahan ang media workers.
Mabuhay ang Kamara at Senado! Maraming salamat po sa inyong malasakit sa Fourth Estate!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
