PARACETAMOL NAGKAKAUBUSAN NA?

BIGLANG dumagsa ang mga tao sa mga botika para bumili ng ­paracetamol simula nang pumutok ang isyu sa Omicron variant nitong pagpasok ng Enero 2022.
May nai-report na kasi na nakapasok na ang Omicron sa ating bansa.

Sa nakuhang impormasyon ng PUNA, unang nai-report kamakailan ay labing-isa katao na nagmula sa abroad na pumasok sa Pilipinas, ang nagpositibo sa virus.

Sinundan naman ng tatlo katao na local transmission. Lumalabas na labing-apat ang unang bugso ng Omicron sa Pinas.

‘Yung unang tatlo ay local transmission, idagdag pa ‘yung labing-isang na-test na positibo sa virus, sila ang nagsabay-sabay nanghawa sa ating mga kababayan.

Malamang kasama na riyan si Gwyneth Anne Chua na pumasok sa bansa nitong nakaraang Disyembre 2021.

Si Chua ay naka-quarantine sa Berjaya Hotel sa Makati City na lumabas at naki-party sa Poblacion ng siyudad.

Kalaunan ay nagpositibo ang pasaway na babaeng ito. Kaya ayon, nagkalat ng virus sa kanyang mga nakasama sa party. Tsk! Tsk!Tsk!

Ngayon, paanong hahanapin ng gobyerno ang nakasalamuha ni Chua sa party?

Sumikat ngayon sa social media si Chua na binansagang “Poblacion Girl”. Mapag-uusapan lang din ang name mo, Inday, sa hindi pa magandang isyu.

Nakita mo naman ang ginawa mong kapalpakan at maraming nadamay sa ‘yo.

Imbes na sa pagpasok ng Bagong Taon (2022) ay makakahinga na ang mga Pinoy mula sa epekto ng COVID-19, lalo pa tuloy lumaki ang problema natin.

Dapat ang tawag sayo ay “PASAWAY GIRL” hindi “POBLACION GIRL”.

Ayon sa nakuha nating impormasyon, hindi raw idineklarang “persona non grata” ni Makati City Mayor Abby Binay si Chua sa kabila ng ginawa niyang paglabag sa quarantine protocol ng gobyerno.

Anong dapat gagawin sa kanya, purihin? Ngayon, nakita n’yo naman ang epekto ng ginawa n’ya, dumagsa tuloy ang mga gustong magpa-antigen test at RT-PCR test.

Ayon sa pinakahuling ulat ng OCTA research, biglang tumaas ang kaso ng COVID-19 ngayong Bagong Taon.

Hindi ko naman sinasabi na lahat ng mga nahawaan ng Omicron ay galing kay “Poblacion Girl”.

Kung hindi tayo nakatutulong sa pagresolba ng problema sa ­COVID-19 ay ‘wag rin tayo maging instrumento para kumalat ang Omicron at Delta Variants.

Kaya ngayon, nagkakaubusan na ng biogesic at bioflu sa mga botika.

Subalit sa kabila ng nagkakaubusan na ng paracetamol sa mga botika ay itinatanggi pa ito ng Department of Health (DOH).

Isa ring kayong pasaway, mag-ikot nga kayo sa mga botika sa Metro Manila kung lahat ‘yan mayroong paracetamol at para malaman n’yo ang totoong sitwasyon.

Hindi makakaresolba sa problema ng Omicron ang ­pagsisinungaling. Katotohanan ang magpapalaya sa ating lahat mula sa veerus na ito.

Ang pagsisinungaling na ‘yan ang dahilan kaya nagkalat ng virus si Chua.

Hindi isa, tatlo, limang tao kundi lahat ng mga Pinoy ay apektado ng COVID-19.

Ngayon, dagsa na ang mga tao sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila na gustong magpa-antigen test at RT-PCR test para malaman nila kung nahawaan ba sila o hindi ng bagong variant na Omicron.

Kaya ‘wag kayong makasarili, isipin n’yo rin ang ibang tao na maaapektuhan sa kapalpakan n’yo!
oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-7511840.

143

Related posts

Leave a Comment