PARLIAMENTARY FORM OF GOVERNMENT DAPAT NA SIGURO

DPA ni Bernard taguinod

SIGURO dapat nang pag-isipan na palitan ang sistema ng gobyerno at itulak ang parliamentary form of government mula sa kasalukuyang presidential form na mukhang hindi na ubra sa atin.

Habang tumatagal kasi palala nang palala ang sistema ng presidential form of government at patindi nang patindi ang pulitika sa ating mahal na bayan dahil sa ganitong porma ng pagpapatakbo sa gobyerno.

Baka sakali rin na mawala na ang bilihan ng boto kapag parliamentary form ang gamitin natin, na siyang dahilan kung bakit tanging ang mga may pera at political dynasties ang naghahari sa ating bayan.

Sa kasalukuyang sistema ng ating gobyerno ngayon, ang mga nagpapatakbo talaga ng gobyerno ay ang appointees na itinalaga sa iba’t ibang sangay ng gobyerno dahil sila ang nasa frontline ika nga.

Ang appointees na ito ay nailuklok dahil may koneksyon sa nanalong pangulo ng bansa at kapag sila ay pumalpak sa kanilang trabaho ay kadalasang nakalulusot, hindi tulad sa parliamentary form na puwedeng resbakan ng mga botante.

Taliwas ito sa ilalim ng parliamentary form kung saan ang mga secretary o ministers ay miyembro ng parliament na halal ng taumbayan kaya kapag sumablay sa trabaho, puwedeng hindi sila iboto ulit ng kanilang mga constituent.

Epektibo ang ganitong uri ng sistema sa United Kingdom at Australia. Hindi lang ang ministers o secretaries ang nareresbakan kundi maging ang prime minister na iniluluklok din ng parliament, kapag may sablay siya sa kanyang trabaho.

Pero sa ating sistema ngayon, kung sino ang mga sipsip at may matatag na koneksyon sa nanalong pangulo ay ang siyang naa-appoint sa mga importanteng puwesto sa gobyerno dahil sa maniobra sa pulitika.

Hindi naghirap ang karamihan o halos lahat ng appointees sa ating bansa ngayon dahil ang tanging puhunan nila ay koneksyon sa pangulo o mga taong malapit sa pangulo.

Sila ang tinatawag na “fence sitters” na nag-aabang kung sino ang mananalo kapag may eleksyon at noong makumpirma na may nanalo na ay naghanap sila ng koneksyon para sila ay ma-appoint kahit hindi naghirap at tumulong sa kampanya.

Palagay ko, karamihan sa appointees ay nasa kabilang bakod kung sakaling hindi nanalo si BBM, dahil walang kasawa-sawa sa posisyon sa gobyerno na ang laging sinasabi ay gustong tumulong lang.

Tingnan n’yo ang nangyayari ngayon, puro recycled ang appointees kaya walang nangyayari sa ating bansa. Wala silang napatunayan sa nakaraang pangulo na nag-appoint sa kanila pero ina-appoint pa rin.

Pero mawawala ang mga iyan kung palitan natin ang sistema ng gobyerno dahil ang mga mamumuno sa mga ahensya ng gobyerno ay mga halal na opisyal at kung gusto nila magkaroon ng puwesto ay tumakbo muna sila at manalo.

Panahon na para ang mga mamuno sa atin ay mga halal ng bayan at hindi ang appointees lang para maresbakan sila at hindi na ibabalik sa parliament kapag sumablay sila.

181

Related posts

Leave a Comment