PBBM, DSWD NAMAHAGI NG TULONG SA CAVITE

SABONG ON AIR Ni KA REX CAYANONG

NABIKTIMA na naman ng fake news si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. Kumalat kasi sa social media na nasa Japan ang Presidente nitong weekend.

Ngunit nasa Ilocos Norte lang naman pala ang Pangulo. Nag-trending kasi sa Twitter ang #NasaanAngPangulo.

Well, ganyan talaga ang mga kritiko, hahanap at hahanap ng paraan para lang mahanapan ng butas ang ating administrasyon. Si Pangulong Marcos at ang DSWD na pinamumunuan ni Sec. Erwin Tulfo, ay namahagi ng tulong sa lalawigan ng Cavite.

Matapos ang kanyang aerial inspection sa buong probinsya, sinabi ni PBBM na kailangan na talaga ng pangmatagalang plano para paghandaan at harapin ang mga darating pang kalamidad sa bansa.

Nagtungo ang Presidente sa Brgy. San Jose Dos sa bayan ng Noveleta para mamigay ng tulong.

Aniya, hindi na raw kailangang hintayin na ­dumating pa sa puntong abutan ng landslide o pagbaha ang mga residente.

Lagi raw ipinipilit ni ­Pangulong Marcos sa NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council na kapag may parating na bagyo ay dapat laging may preemptive evacuation.

Ito, ayon sa Pangulo, ay para sakaling dumaan ang bagyo ay hindi na abutan ng mga peligro ang mga tao. Dito’y inihalimbawa ng Pangulo ang nangyari sa Maguindanao kung saan dahil hindi agad nakapaglikas ay marami ang nasawi dulot ng landslides at baha.

Pinatitiyak ng Presidente na mabibigyan ng ayuda ang lahat ng mga nasa evacuation centers pati na sa Mindanao at Visayas. Mahalaga raw na maseserbisyuhan, mabibigyan ng pagkain at tubig at mapabalik na sa kani-kanilang mga tahanan ang mga ito sa lalong madaling panahon.

Gayunman, dapat daw aniya na matiyak na hindi na delikado ang sitwasyon bago payagang makauwi ang mga bakwit.

Matapos rin ang aerial inspection, nabanggit ng Pangulo na kahit hindi naman masyadong malakas ang ulan ay maraming bumagsak na istruktura.

May mga bumigay na dike dahil hindi raw nakayanan ang ragasa ng tubig mula sa karagatan.

Ito raw ang dahilan kaya matindi ang pinsalang inabot ng mga tao.

Ayon kay Noveleta Mayor Dino Chua, sa kabuuang 16 barangays ay 10 sa mga ito ang nalubog sa baha.

Ayon naman kay DSWD Usec. Jericho Javier, sa direktiba ni Sec. Tulfo, ay tatlong sets ng food and non-food items ang ibigay sa bawat pamilya.

Ang family food pack ay naglalaman ng 6 kilong bigas, sardinas, corned beef, at cereals na para sa dalawang araw habang ang mga laman naman ng hygiene kits ay mga toothbrush, toothpaste, shampoo, sabon panligo, sabon panlaba, sanitary napkin, suklay, razor, at nail cutters.

Namahagi rin sila ng family kits na may lamang mga damit ng bata, kumot, malong, underwear at diapers.

Mabuhay po kayo, PBBM, Sec. Tulfo at lahat ng mga taga-DSWD.

God bless po!

177

Related posts

Leave a Comment