PERSONAL NA BUHAY NI SEC. TULFO, INUNGKAT SA PAGDINIG NG CA

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

NANGANGANIB na muling ma-bypass si DSWD Sec. Erwin Tulfo sa ikalawang pagkakataon, matapos na hindi makumpirma ng ­makapangyarihang Commission on Appointments (CA) na binubuo ng mga miyembro ng Senado at Mababang Kapulungan.

Ang mga isyung binabato sa kalihim ay may kinalaman sa ­kanyang pagiging US citizen, conviction sa kasong libel at maging ang ­pagkaroroon nito ng sampung anak sa apat na magkakaibang babae.

Ang tanong na ito ay nanggaling kay Surigao del Norte ­Representative Johnny Pimentel, na tinanong nito ang kalihim kung maayos ba ang relasyon nito sa mga ina ng kanyang mga anak. Ayon sa DSWD ­secretary, maayos ang relasyon niya sa mga ito. Kalaunan ay pinaboran din naman ng kongresista ang pagkakatalaga sa kalihim.

Ang hindi ko lang maintindihan ay kasama ba talaga sa batayan ng CA ang pribadong buhay ng isang miyembro ng gabinete na ­kanilang ginigisa? If that is the case, dapat lahat ng elected officials ay ­kinakailangan na busisiin din ang kanilang mga nakaraan upang ­malaman ng taong bayan kung karapat-dapat ba silang ihalal sa pwesto.

Ang dahilan kung bakit nagdesisyon ang CA na ipagpaliban muna ang kumpirmasyon nito ay ang isyu ng conviction sa libel case at ang pagkakaroon daw ng dual citizenship ni Sec. Tulfo

Ayon kay Sec. Erwin, ang libel case ay nag-ugat sa kanyang isinulat ukol sa isang opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa korapsyon. Inutusan daw siya ng korte noon na ibunyag ang kanyang source na hindi naman niya sinunod.

Si Rep. Rodante Marcoleta ng SAGIP Party-list ang nagtanong sa kalihim ukol sa conviction nito sa libel at sinabing bagama’t suportado niya ang kalihim, maaaring makaapekto ang libel conviction sa kanyang kumpirmasyon dahil ang libel daw ay isang “offense that involves moral turpitude”.

Sa puntong ito, sinabi ni Sen. Escudero na maaaring ma-decriminalize na ang libel dahil maraming panukalang batas ang nakabinbin ngayon sa Kongreso ukol dito.

Humiling ng executive session o pribadong session si Sec.Tulfo upang maipaliwanag sa mga miyembro ng CA ang mga isyung itinatanong sa kanya.

Inihahalintulad kay dating DFA Sec. Perfecto Yasay ang isyu ng dual citizenship na binabato ngayon kay Sec. Erwin Tulfo, pero sa ­aking panayam sa aking kasamahan sa DZME na si Dang Garcia, sinabi nito na magkaiba naman ang isyu ng dalawa dahil si Yasay raw ay ­nagsinungaling sa CA noon. Samantalang hindi naman inilihim ng DSWD secretary ang pagkakaroon nito ng dual citizenship na kanya nang binitiwan bago umupo bilang kalihim.

26

Related posts

Leave a Comment