INUULAN na ng pagbati nang magwagi, ngunit nu’ng nagpupunyagi ay nawiligan lang ng wisik ang ibinahagi.
Inuwi ng siyam na taong gulang na si Bince Rafael Operiano ang kampeonato sa 6th Eastern Asia Youth Chess Championship na ginanap sa Bangkok, Thailand.
Napili si Operiano na maging kinatawan ng Pilipinas matapos magwagi sa Boys Under 9 category ng National Youth and School Chess Championship Grand Finals noong September sa Dapitan City, Zamboanga del Norte.
Ang batang kampeon mula sa Barangay Busac, Oas Albay ay tatlong gabi umanong natulog sa airport, kasama ang amang si Ben dahil sa kakulangan sa pondo, at habang hinihintay ang plane ticket na inisponsoran ng Philippine Sports Commission. Nauna ang bata na bumiyahe patungong Thailand na hindi kasama ang ama.
Dahil sa pinagdaanan ni Bince bago naging kampeon sa Thailand ay sumulong ang mga pagbatikos sa pamahalaan.
Habang hinahanapan ng kung anong naitulong ng pamahalaan sa kampanya ni Bince sa Bangkok ay umuulan na ang mga pagbati, imbitasyon at mga pangako ng ilang politiko na pumapapel at sumasakay sa tagumpay at kasikatan ni Bince.
Nagpaabot ng pagbati si House Speaker Martin Romualdez, na nagpahayag na, “Nakaka-proud maging Pinoy!”
Gumawa ng House Resolution No. 542 ang Ako Bicol Party-list para bigyan ng pagkilala si Bince sa kanyang ibinigay na karangalan sa bansa.
Naghain naman sina Albay 2nd district Rep. Joey Salceda, at Ang Probinsyano Party-list Rep. Alfred Delos Santos ng HR No. 541.
Nagpahayag ng pagsaludo si AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee sa kababayang Bicolano.
Ang pagkilala ni Lee sa tagumpay at karangalang ibinigay ni Operiano sa ating bansa at pagiging inspirasyon sa lahat ay nakasaad sa House Resolution na kanyang inihain.
Pagtuntong ng sampung taong gulang ay igagawad na kay Operiano ang titulo bilang National Master.
Karapat-dapat kay Bince ang mga pagbati, parangal, imbitasyon, pagkilala. Nakakadismaya lang ang ginawang pagtrato sa kanya nang hindi pa siya kampeon.
