PHILSCAM?

MAGING WAIS KA

Laman ng balita sa telebisyon, radyo at Internet ang isyu ng “ghost dialysis” at fraudulent claims sa Philippine Health Insurance Corporation (PHIC). Kasunod nito ay ang pagbibitiw sa pwesto ng mga miyembro ng board of directors kasunod ng pagpapalit ng bagong pamunuan nito.

Habang kasalukuyang binubuo ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Universal Healthcare Act or Republic Act 11223 at naghahanap ng sapat na pondo upang mapatupad ito, saka naman lumabas ang isyu ng umano’y maanomalyang claims ng mga health institutions na umaabot ng P154 bilyon.

Dahil sa malaking isyu ito at malaking halaga din ang kuwestiyonable, papasok na rin sa eksena ang senado upang mag-imbestiga.

Para sa malawakang pagpapatupad ng UHC Law, isinusulong din ng kamara ang mga karagdagang buwis sa tobacco at alak pandagdag pondo para sa inaprubahang UHC. Ngunit, kung ang ating layunin ay mapuno ang isang drum gamit ang iba’t ibang balde at tabo, kung butas naman ang drum na ating pinupuno, ang lahat ng ito ay walang katuturan.

Maliban sa pagsusulong ng mga karagdagang buwis, at pag-iimbestiga sa mga sangkot sa nasabing scam, hindi ba’t kasing halaga rin nito na makita ang mga tunay na problema sa sistema, ayusin ito kung kaya pa, or palitan ng bagong pamamalakad para sa benepisyo ng mga miyembro nito.

Hindi pwedeng ipawalang bahala lamang ng pamahalaan, at mga opisyales ng PhilHealth ang nangyaring scam, pagkat ang kawawang Juan De La Cruz na umaasa sa pondo ng PhilHealth at nauubos lamang dahil sa mga maling pagkolekta ng pondo ay parang unti-unti na ring pinapatay ang mga mahihirap na may sakit lalo na kung ito pa man ay terminal na.

Napakahalaga ng perang ito para sa kalusugan ng mga mahihirap. Hindi biro kung ilang buhay na sana ang nailigtas nito kung ito ay nabantayan, at nagamit ng tama.

Para sa mga bagong pamunuan ng PhilHealth at mga mambabatas, ang paggamit sa pera ng bayan ay responsibilidad sa Diyos at sa taong-bayan, kaya naman tama lang na Maging WaIs Ka sa paggamit ng pondong pinaghirapan!

Para sa komento, at suhestiyon maaaring mag-email sa Ilagan_ramon@yahoo.com (Maging waIs Ka! / MON ILAGAN)

110

Related posts

Leave a Comment