PINAG-IINITAN SI CONG. ARNIE TEVES

TARGET NI KA REX CAYANONG

MALAGIM ang sinapit ni Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.

Pinasok ng isang armadong grupo ang kanyang tahanan habang namamahagi ng ayuda sa bayan ng Pamplona. Bukod kay Degamo at iba pa na nasawi, aba’y hindi bababa sa 10 ang nasugatan.

Ang matataas na kalibre ng mga baril na gamit ng mga suspek, mga sasakyan at suot na uniporme ng law enforcement agencies ay indikasyon raw na may nagpopondo sa mga ito.

Ayon nga kay Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Col. Redrico Maranan, halatang sanay na pumatay ang mga salarin.

Kung hindi ako nagkakamali, tinututukan ng PNP at AFP ang kaso hanggang sa maaresto ang iba pang suspek.

Binibigyan naman ng sapat na seguridad ang pamilya ni Degamo, gayundin ang bagong talagang gobernador ng Negros Oriental na si Vice Governor Carlo Jorge Reyes. Sinasabing nanumpa na si Reyes kay DILG Sec. Benhur Abalos.

Dati na raw nakatatanggap ng death threats si Degamo. Noong nakaraan daw, nagkuwento ito tungkol sa iba’t ibang indibidwal na nagpapadala sa kanya ng mga mensahe ng pagbabanta.

Inihahanda na raw ang pagsasampa ng multiple murder laban sa mga suspek at 10 iba pa. Inaalam pa rin daw ng mga pulis ang utak sa pamamaslang.

Ang masaklap sa kasong ito, maraming nadadamay na walang kaalam-alam. Halimbawa na lang dyan ay si Negros Oriental 3rd Rep. Arnie Teves.

Naku, kasunod nang biglaang paglutang ng pamilya na biktima raw noong 2019 at pagsasampa ng kasong murder kay Teves sa Department of Justice (DOJ), aba’y naging mainit din ito sa netizens at media.

Sabi nga ng netizens, tila hilaw na hilaw at kahit itanggi man ay halata na sinasamantala lang ang isyu sa pagkakapaslang kay Degamo. Kitang-kita naman sa comments ng ilang news media na karamihan ay natatawa na parang sa pelikula lang daw ang nangyayari.

Sa palagay ko, waring may ilan na may matinding galit sa mambabatas na kilala sa programa sa Teleradyo na “Aksyon, Tulong, Solusyon.” Si Teves ay kilalang tumutulong sa mga tao sa halos lahat ng sulok ng bansa.

Hindi maitatanggi na isa rin si Teves sa mga pinaghihinalaan sa pamamaslang kay Degamo ng kaanak at supporters daw ng napatay na gobernador. Well, kumpiyansa ang mga supporter at taga-subaybay ni Teves na lalabas din ang katotohanan at malilinis ang pangalan ni Rep. Teves.

Sabagay, mayorya ng kanyang nasasakupan ay pabor at sumusuporta kay Kuya Arnie.

Mabuhay po kayo, Sir, at God bless!

55

Related posts

Leave a Comment