ITO ay para sa mga opisyal ng pamahalaan, upang magamit nang wasto at malubos ng mga mamamayan ang political capital ng mga nakapwesto para sa iba’t ibang posisyon.
Gamitin ang political capital upang maalis ang kagutuman sa lipunan. Nasa 50 milyon na mga Filipino ang nakararanas ng matinding kagutuman o sumasablay sa pagkain ng tatlong beses sa isang araw.
Gamitin ang political capital sa pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa. Nasa 35 milyon na mga Filipino ang hindi sumasahod nang sapat. Nararapat na itaas ang minimum wage sa buong bansa, ito ang isa sa mga susi para sa mas produktibong paggawa. Nararapat lamang ding tanggalin ang kontraktwalisasyon sa pag-eempleyo sa bansa upang mas maiging makapagplano ang mga manggagawa at magkaroon sila ng sense of security sa kani-kanilang pinapasukang mga kompanya.
Gamitin ang political capital upang makahikayat ng mga mangangapital sa Pilipinas. Mas maraming mga investor, mas maraming iba’t ibang mga trabaho ang malilikha para sa ating milyun-milyong mga kababayan.
Gamitin ang political capital upang maubos na ang mga druglord na matagal nang salot sa bawat pamilyang Filipino. Dahil din sa ilegal na droga kung kaya’t maraming kabataan ang imbes na maging kapaki-pakinabang sa lipunan ay nagiging pabigat pa sa buhay ng bawat pamilya at komunidad na apektado.
Gamitin ang political capital upang linisin ang bansa sa kriminalidad. Oras-oras ay may insidente ng krimen sa bansa. Hindi dahilan ang kahirapan upang maging kriminal, madalas nagagamit pa ang mga menor de edad dahil na rin sa butas sa batas na pumuprotekta sa mga kabataang nakagagawa ng krimen. Kadalasan ay nagagamit ang kabataan ng mga sindikato sa paghahasik ng lagim sa ating bansa dahil sa maling batas na ginawa ni Sen. Kiko Pangilinan. Maaaring napapanahon na rin at nararapat na baguhin ang batas na ito.
Gamitin ang political capital upang itulak ang pambansang kapayapaan. Kung bawat halal na opisyal sa nasyunal at lokal man ay gagamitin ang kanilang political capital upang i-promote ang kapayapaan, hindi malayong makamtan ito ng bawat Filipino sa ating henerasyon.
Gamitin ang political capital upang burahin ang korapsyon sa pamahalaan. Nararapat lamang na ang pera ng taumbayan ay nagagamit para rin sa taumbayan. Huwag na masyadong ikomplika, simple lang, dapat direktang napapakinabangan ng taumbayan ang bawat pisong pondo ng pamahalaan.
Gamitin ang political capital upang punuin ng mga puno ang mga kabundukan at kagubatang nakalbo na at upang gawing realidad ang paggamit ng bansa ng mga renewable energy source, upang once and for all ay ipagbawal na at burahin na rin sa mapa ng bansa ang paggamit ng mga coal-powered plant.
Gamitin ang political capital upang magkaroon ng malusog na diskusyon at talakayan ukol sa mga isyu at polisiya na kinakailangan ng bansa, ito ang lubos na kinakailangan upang makakalap ng mga ideyang mas nakatutulong sa buong bansa at maniniguro na ang tinatahak na landas ng Pilipinas ay tunay na kaaya-aya. (For the Flag / ED CORDEVILLA)
208