POLITICAL WAR SA PINAS, TOTOONG GIYERA SA IBANG BANSA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MARAMI pa rin tayong dapat ipagpasalamat dahil political war lang ang nangyayari sa ating bansa pero sa ibang nasyon ay totoong may giyera tulad ng Ukraine-Russia war, Israel laban sa Lebanon at Hamas.

Hindi pa kasama dyan ang mga terrorist attack sa ilang mga bansa sa Africa, ang tila ethnic cleansing na nangyayari ngayon sa Bangladesh at kung saan-saan pa na lalong nagpapalala sa kanilang kahirapan.

Halos araw-araw ay may development ang political war sa pagitan ng pamilyang Duterte at mga kaalyado ng pamilyang Marcos na pinaiinit pa ng kanilang troll armies dahil binubuyo nila ang dalawang pamilyang ito.

Ang dalawang kampong ito ang nagsasakitan sa isa’t isa at aminin man nila o hindi, ito ay dahil sa kapangyarihan pero sa mga bansang nasa gitna ng giyera, nagpapatayan para sa kanilang kalayaan.

Ang masama lang ay collateral damage ang mga Pinoy sa away ng dalawang pamilyang ito dahil imbes na magkaisa para sa kapakanan ng bansa ay hinahati nila ang mga Filipino, pinag-aaway at parang pinamimili kung sino sa kanila ang dapat kampihan.

Pero sige, parte ‘yan ng demokrasya sa ating bansa. Lahat ay puwedeng magsalita, lahat ay puwedeng magbigay ng opinyon, lahat ay puwedeng bumatikos sa mga politiko, nakaupo man o natapos na ang kanilang termino.

Hindi ‘yan mapipigilan lalo na’t nasa panahon na tayo ng internet at social media kung saan ang lahat ng mga Pinoy ay may access at ginagarantiyahan ng saligang batas ang kanilang karapatang magpahayag ng kanilang saloobin.

Sa ibang bansa kasi tulad ng China, bawal magsalita laban sa kanilang president. Puwedeng gamitin ang social media para purihin si Xi Jinping sa kanyang mga ginagawa at magbigay ng positibong opinion (lang) pero ang bumatikos tulad ng ginagawa ng mga troll ng mga Duterte at Marcos, no no yan.

Masaya sa Pinas dahil nakasasali ang mga ordinaryong mamamayan sa political war ng mga pamilyang ito habang sa ibang bansa na may giyera, nababalot sila ng lungkot at pighati at pagdadalamhati.

Araw-araw ay umuulan ng bomba at bala sa Ukraine at Russia war at nananalangin sila na sana ay matapos na ang kanilang paghihirap at bumalik na ang kapayapaan para makabalik na rin sila sa kanilang normal na pamumuhay.

Kahit papaano ay masuwerte pa rin tayo dahil political war pa lang ang nangyayari sa ating bansa at ang nagsasakitan lang ay mga supporter ng dalawang pamilyang ito at walang namamatay hindi tulad sa mga bansa na may giyera.

45

Related posts

Leave a Comment