Misyon Aksyon, isa ako sa tagasubaybay ng inyong kolum. Nais ko sa-nang magtanong ukol sa isang pangyayari rito sa aming bayan sa Nabua, CamSur, isa po akong kaanib ng isang respetadong relihiyon.
Nagsagawa po kami ng selebrasyon na i-welcome ang aming mga bagong miyembro at humingi ng pahintulot ang aming mga kinatawan hinggil sa naturang selebrasyon.
Ginanap ang selebrasyon sa isang covered gym na ipinagawa ng aming Congressman na si Salvio Furtuno, kung kaya’t pinahiram kami ng mga upuan at hinakot ng kanilang maintenance sa lugar. Habang inaayos po ang mga upuan pumasok ang principal na si Ella Merandilla ng Naga National High School at nagtanong kung bakit namin ginamit ang lugar na dapat sa Naga raw namin dapat ginanap ang selebrasyon dahil pag-aari nila ang lugar.
Ang pagkairita ng principal ay dahil daw sa mga nakaraang pangyayari, nang mawalan sila ng isang set ng computer at iniwang marumi ang lugar.
Nagulat kami nang ipakita ng principal ang kanyang pagkainis at panunumbat sa amin samantalang pagkatapos ng okasyon ay iniwan namin nang maayos, walang napinsala, at nilinis ang kanilang pinagdausan.
Ang ipinagtataka namin bakit inis sa amin ang principal samantalang binigyan kami ng pahintulot na galing sa kanila na katibayan na maaari naming gamitin ang lugar.
Misyon Aksyon, dapat hindi ganito ang reaksyon ng principal dahil sa pondo ng gobyerno ang ginamit sa pagtatayo ng gym at maliwanag na ito ay pampublikong lugar na maaaring gamitin o hiramin basta’t may pahintulot sa kinauukulan.
Katunayan nakapagsagawa na kami ng ganitong selebrasyon at walang sumita sa amin dahil nagpaalam kami sa mga kinauukulan.
Wala kaming nakikitang masama na gumamit ng nasabing pasilidad tulad ng pinakitang pagsita sa amin ng principal. Alam namin na bago lang siya sa kanyang assignment at kapo-promote pa lamang niya sa kanyang posisyon.
Naturingan siyang principal at edukada sana maging maingat siya sa kanyang mga pananalita at maging ehemplo sa kanyang pinamumunuang eskuwelahan.
Gumagalang, Mrs. Ita ng Nabua
Agad na nakipag-ugnayan po ang Misyon Aksyon sa tanggapan ni Congressman Salvio Furtuno para alamin kung may mga alituntunin silang ipinatutupad na huwag ipagamit partikular sa naturang relihiyon sa kanilang ibang aktibidad.
Ayon kay Congressman wala na siyang pakialam sa anuman patakaran ng nasabing gym.
Paliwanag naman ng principal na si Merandilla na wala siyang sinabing masama sa halip ay pinaalalahanan lamang ang mga gumagamit nito. Nagalit lamang siya dahil may nagpaalam sa kanya na magtitinda sa lugar na wala sa usapan.
Ngunit pumayag na siya dahil kaanib din pala ito. Nakiusap siya na pagkatapos ng okasyon ay huwag iwanang marumi ang lugar at ibalik sa ayos ang lahat.
Kasabay nito humingi rin ito ng dispensa kung nagpakita man ito ng masamang asal. Ngunit nilinaw niya na lahat ay may karapatang gumamit ng lugar basta’t kumuha lamang sa kanila ng permit.
Bukas po ang aking kolum para sa inyong panig at kapaliwanagan. Note: Problema sa SSS, GSIS, PagIBIG Homeowners at iba pa. Cellphone number Smart 09420874863/09755770656 Email add: misyonaksyon@yahoo.com/arnel_petil@yahoo.com/arnelpetil12@gmail.com. http://misyonaksyon.blogspot.com (Misyon Aksyon / Arnel Petil)
124