RAPE-SLAY SA MGA KABATAANG BABAE

POINT OF VIEW

Nakakabahala ang mga sunud-sunod na nababalita tungkol sa pang-aabuso, panggahasa at pagpatay sa mga batang mga kababaihan sa bansa.

Partikular ang mga inosenteng mga batang babae mula sanggol pa lamang hanggang sa 17-anyos na nagiging biktima ng panggagahasa at rape-slay mula sa kamay ng mga walang budhi at demonyong mga suspek.

Nitong mga nagdaang mga buwan hanggang nitong linggo, sunud-sunod ang ulat tungkol sa kaso ng panghahalay at pagpatay sa mga batang babae.

Kung dadamhin mo lang kung ano ang tiniis na pahirap sa paslit mula sa kamay ng kanilang mga suspek, manggigigil at magpupuyos ka talaga sa galit sa mga walang budhi at demonyong mga suspek.

Kung tayo, ganito na ang ating nararamdaman, ano pa kaya ang bigat sa dibdib na mararamdaman ng kanilang mga magulang?

Katulad sa napaulat kama­kailan mula sa Naic, Cavite na isang limang-taong gulang na batang babae ang naglalaro ang biglang nawala at natagpuan na lamang ang bangkay nito na nakasilid na sa isang laundry bag sa ikalawang palapag ng isang bakanteng bahay.

May ganito ring nangyari sa bahagi ng Mindanao kung saan ang limang taong gulang na batang babae rin ang natagpuan ang bangkay sa kakahuyan na nasa tabing ilog nang bigla rin itong mawala matapos utusan na humingi ng ulam sa kanilang kapitbahay.

Nitong Miyerkules, isang 9-anyos na batang babae ang nagreklamo matapos siyang sapilitang kinuha sa kanilang bahay ng kanyang tiyuhin at dinala sa tagong lugar at ginahasa at pinagpilahan pa ang bata ng lima pa niyang kasamang construction workers sa Cebu at marami pang iba.

Hindi mo maisip kung paano nila ito nagagawa nang walang takot, awa, konsensiya, at malakas ang loob na gawin ang ganitong mga krimen.

Ang malungkot sa mga balitang ito, kung dati ang gumagawa’y mga nasa tamang edad, ngayon magugulat ka, mga menor de edad na ang gumawa at kadalasan ay kaanak, kaibigan, kalaro at malapit sa bata ang suspek.

Ang matindi, karamihan sa mga suspek ay umaamin na nakadroga at lasing habang ginagawa ang maka-demonyong gawain.

Habang namamayani ang illegal drugs sa ating bansa, wala kang maasahan na kapanatagan, kaligtasan at kaayusan sa iyong kapaligiran para sa ating nga anak.

Sana matigil na ng gobyerno ang pagkalat ng salot na droga sa bansa upang manumbalik na ang kaayusan at kaligtasan para sa ating mga kabataan.

Para sa mga magulang na may mga anak na babae, kailangan na bantayang mabuti ang inyong mga anak o kung maaari ay huwag silang ihiwalay sa inyong tabi, at sasamahan ang inyong mga anak na babae kung saan sila pupunta. At hanggang maaari ay huwag nang hayaan lumaboy o lumabas ng bahay ang inyong mga anak  na babae lalo sa gabi. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)

806

Related posts

Leave a Comment