REKLAMO LABAN SA ALLWIN CARGO SERVICES, INAKSYUNAN NG AMING PROGRAMA

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

INAKSYUNAN ng aming programa ang reklamo ng mahigit dalawang daan nating mga kababayan sa Dubai, UAE. Ito ay may kinalaman sa nawawalang balikbayan ­boxes na kanilang ipinadala sa kanilang mga mahal sa buhay rito sa Pilipinas.

Ayon sa isa sa ating nakapanayam sa ating programa, na may kapareho ring titulo na ­napakikinggan sa DZME 1530khz, na si Romela ­Villaroel, isang caregiver sa ­naturang bansa, mahigit dalawang daang OFW na nagtatrabaho sa UAE ang naloko ng ALLWIN Cargo Services na ang may-ari ay kababayan din natin na kinilalang si Glori Urbiztondo.

Tumayong ­tagapagsalita ng kanilang grupo si Ms. Romela o Rom, at sinabing sa kanya palang ay mahigit na 3000 dirhams o P45,000 pesos na ang nawala dahil hindi pa nakararating sa kanyang pamilya sa Pampanga ang balikbayan box na kanyang ipinadala. Hindi pa kasama rito ang 450 dirhams o P6,750 na ibinayad niya sa naturang cargo services. Noon pa raw Pebrero naipadala ang kanyang balikbayan box pero hanggang ngayon ay hindi pa ito nakararating sa kanyang pamilya.

Pero may mas malala pa raw sa kanyang sitwasyon dahil may kasama pa raw sila na noong Disyembre pa ng ­nakaraang taon ipinadala ang box at hindi pa rin naide-deliver magpasa hanggang ngayon.

Tinawagan namin ang isa sa delivery partners ng ALLWIN na Cargoflex Haulers dito sa atin at ayon sa aming nakausap ay maging sila ay biktima rin ng naturang cargo services dahil hindi pa rin sila nababayaran sa kanilang serbisyo. Mayroon pa raw ilang mga balikbayan boxes na hindi pa rin nila ­naide-deliver at makikita raw ang mga control number ng mga ito sa kanilang FB o Facebook page.

Balak din daw nilang ­magsampa ng demanda laban sa may-ari ng ALLWIN dahil ­mistulang hindi ito apektado sa mga isyung kinakaharap nito base sa mga sagot nito sa kanilang mga mensahe ukol sa mga reklamong kanilang natatanggap.

Agad naming inilapit kay Overseas Workers Welfare ­Administration o OWWA Admin. Hans Leo Cacdac ang ­problema at nangako ito ng agarang ­aksyon sa problemang inilapit sa aming programa ng ating mga kababayan sa UAE.

Samantala, sa ginawang pagbisita ng aming official ­correspondent sa UAE na nakabase sa Dubai na si Mr. Alan Avila, sa opisina ng ALLWIN, ito ay nakasara na at ayon pa sa ulat nito, isang linggo na raw sarado ito at base sa kanyang video na ipinadala, mukhang abandonado na ito.

Tututukan ng aming ­pro­grama ang reklamo ng ­ating mga kababayan sa UAE laban sa ALLWIN CARGO ­SERVICES.

98

Related posts

Leave a Comment