SIGA SA PINAS

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

LAKI ako sa Tondo at napansin ko na ang mga siga noon sa aming lugar ay lehitimong mga residente. Kung baga, doon na sila ipinanganak, lumaki, nagkaisip hanggang sa gustong maghari.

Kapag may dayo sa aming lugar, pinagtitripan ng mga siga para marahil maipakilala nila ang kanilang sarili na sila lang ang pwedeng maghari-harian sa kanilang lugar at wala nang iba pa at sino man ang babangga sa kanila ay may paglalagyan.

Wala na akong balita sa mga siga noon sa aming lugar. Naglaho na sila. Hindi ko alam ang nangyari sa kanila. Siguro may kinalagyan na sila dahil sa rami ng krimen na nagawa nila. Saka bawal na ­ngayon ang siga. Iba na ang panahon ngayon.

Pero bagama’t bago na ang panahon ngayon, may ibang lahi na nagsisiga-sigaan sa ating bansa ngayon lalo na sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila. Ang Chinese nationals na dumayo rito sa atin para magpasugal.

Bago ang mga kidnap for ransom na kinasasangkutan ng mga dayong ito, maraming pagsiga-sigaan na ang ginawa nila tulad ng hindi pagsunod sa pila, barumbadong magpatakbo ng sasakyan sa lansangan, pag-iingay sa matataong mga lugar tulad ng restaurant.

Sila na ang gumagawa ng krimen na tila walang kinatatakutan tulad ng kidnapping, illegal detention at torture na sa ating batas, heinous crime ang mga ito at walang piyansa.

Sa kanilang bansa sa China, parusang kamatayan ang kahaharapin ng mga Tsino na gumagawa ng karumal-dumal na krimen kaya pumupunta sila sa ibang bansa na maluwag ang batas para maghasik ng kriminalidad.

Kung totoo ang sinasabi ng Chinese community na 56 ang kidnapping incident sa loob lang ng 10 araw, hindi ‘yun simpleng krimen. Indikasyon ito na binabalewala ng sindikatong ito ang batas, ang awtoridad at gobyerno sa kabuuan.

Sampal ito sa ating mga Filipino dahil napaglalaruan nila tayo kaya dapat lansagin ang grupong ito at ipatikim sa kanila ang lupit ng batas natin na kanilang binabalewala.

Kahit pa sabihin nila na kapwa nila Chinese na nagtatrabaho sa POGOhan ang kanilang biktima, dito pa rin sa ating bansa ginagawa ang kanilang krimen kaya kailangang masugpo sila dahil kapag hinayaang lumaki ang mga iyan baka sa susunod, mga Pinoy na mismo ang kanilang biktima.

Tandaan natin na hindi lang Chinese nationals ang kanilang biktima. Meron nang Malaysian at Vietnamese kaya anong kasiguraduhan na hindi nila gagalawin ang mga Pinoy kapag naging naging dambuhala na sila at untouchable na?

Chinese nationals din ang nagpapasok ng ilegal na droga sa ating bansa na sumisira sa kinabukasan ng maraming Pinoy dahil ang luwag natin at meron tayong mga kababayan na nalalagyan nila o nako-corrupt nila.

Kaya kailangang seryosohin na ang pagbuwag sa sindikato ng mga dayong ito sa ating bansa at huwag hayaan na pagharian ang mga Pinoy. West Philippine Sea pa lang ang nasasakop nila, naghahari-harian na sila dito?????!!!!. ‘Di puwede yan!

5

Related posts

Leave a Comment