SUPORTA SA PRANGKISA NG MERALCO

Thinking Aloud ni CLAIRE FELICIANO

INENDORSO na ng Committee of Legislative Franchises ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pag-renew ng 25 taong prangkisa ng Meralco na isang mahalagang hakbang para masigurong patuloy na mabibigyan ng serbisyo ng kuryente ang libu-libong mga konsyumer nito.

Ayon kay Congressman Gus Tambunting, nakatanggap din ang komite ng mga statement of support mula sa mga grupong sumasakop sa iba’t ibang industriya para sa Meralco.

Kaya nga ang malawakang suporta para ma-renew ang prangkisa ng Meralco ay nagpapakita ng mahalagang papel na ginagampanan nito sa lipunan at sa bansa.

Nariyan nang mayroon talagang mga reklamo at alalahanin ang mga konsyumer, dahil hindi naman mawawala iyan. Kung mataas ang singil sa kuryente, kadalasan naman ay dahil sa pass-through charges na ibinabayad ng Meralco sa mga supplier nito, o kaya naman ay inire-remit sa pamahalaan. Pero dahil ang Meralco ang naniningil, ito rin ang nakatatanggap at sumasangga sa mga reklamo.

Pero kung talagang susuriing mabuti, maayos naman ang serbisyo ng Meralco at patas naman ang singil nito dahil una, wala namang subsidiya ang pamahalaan para sa kuryente; at ikalawa, hindi naman nagkakaroon ng malawakang pagkawala ng serbisyo ng kuryente.

Kadalasan, ‘di lang natin napapansin ang benepisyo kasi nakasanayan na natin na nariyan palagi, pero naisip ba ninyo na paano kung walang Meralco? Sino ang magbibigay ng serbisyo ng kuryente? I-aasa ba natin ang ganitong ka-kritikal na serbisyo sa walang kasiguruhang solusyon?

Kaya mabuti na rin nagsalita na itong mga nagpapahayag ng suporta. Bagama’t may mga kumokontra pa rin na wala namang maibigay na solusyon, mahalagang unawain din natin kung ano ba talaga ang benepisyong nakukuha natin dahil sa maayos at propesyunal na pagpapatakbo ng distribusyon ng kuryente sa Metro Manila at mga katabing probinsya.

Binigyang diin ng Makati Business Club o MBC ang pagkamit ng Meralco ng halos 100% na electrification sa lugar na nasasakupan nito – isang tagumpay na nakaayos sa layunin ng pamahalaan para magkaroon ng energy security sa bansa.

Alam ba ninyo na marami pang lugar sa bansa ang wala pa ring kuryente? Kaya kung ikukumpara ito sa lugar na pinagseserbisyuhan ng Meralco, aba eh napakaswerte pa rin natin dahil bukod sa hindi natin nararanasan ang halos araw-araw na may naka-iskedyul na brownout, mayroon tayong maayos na serbisyo ng kuryente na napakikinabangan na siya ring ipinunto ng Management Association of the Philippines o MAP.

Ayon sa grupo, napakahalaga ng sapat, maaasahan at tuluy-tuloy na serbisyo ng kuryente hindi lamang sa mga kabahayan kundi siyempre pati sa mga negosyo, malaki man o maliit, na nakatutulong sa pagpapalago ng ating ekonomiya.

Kaya pati ang Federation of Philippine Industries o FPI, sinabing kung hindi hahayaang magtuloy ang operasyon ng Meralco, pare-pareho lang tayong magkakaproblema.

Kasama rin sa mga nagbigay ng suporta sa Meralco ang Employers Confederation of the Philippines, IT and Business Process Association of the Philippines, Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines Foundation, Inc., Bankers Association of the Philippines, Private Electric Power Operators Association, Private Hospitals Association of the Philippines, Inc., Philippine Retailers Association, Retail Electricity Suppliers Association Inc. at marami pang iba.

Ang malawak na suporta ay nagpapakita ng kahalagahan ng Meralco sa iba’t ibang sektor at ang nagkakaisang posisyon ng mga grupo ay nagpapakita ng pagkakasunduan sa halaga ng pagpapatuloy ng operasyon ng Meralco para sa pagpapanatili ng katatagan ng ekonomiya at pagsuporta sa pag-unlad ng bansa.

Marami pang problema ang industriya ng kuryente at ang kailangan natin ay sama-samang pagtutulungan para makamit ang energy security sa bansa, at makatulong na mapababa ang singil sa kuryente para sa mga konsyumer.

146

Related posts

Leave a Comment