TAMANG TAO SA USAPIN NG ENERHIYA

HINDI maikakailang nasadlak ang bansa sa dusa sa usapin ng enerhiya. Mataas na buwanang ­singil sa kuryente, walang puknat na pagpapataw ng dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, manipis na supply ng elektrisidad, sabwatan ng mga taong gobyerno sa mga kapitalistang oligarko – ilan lang ‘yan sa mga dahilan sa likod ng problema ng sambayanang Pilipino.

Ang totoo, mayaman sa likas na yaman ang Pilipinas. Sandamakmak na daluyan ng tubig na angkop sa hydro energy, mga bulkang dapat sana’y ginamit sa pagtatayo ng geothermal power plants, sikat ng araw na sangkap sa solar energy, hanging magpapaikot ng windmills para sa wind energy, unli-basurang posibleng pagmulan ng methane gas, langis sa kailaliman ng ­ating sakop na karagatan at ang nakatenggang Bataan Nuclear Power Plant.

Ang nakapagtataka, sa loob ng mahabang panahon, umasa tayo sa imported na langis habang ang natural energy sources naman ng bansa’y ipinaubaya sa mga dayuhang kumpanya.
Ang resulta – bayan ang nagdurusa.

Sa napipintong pag-upo sa Hunyo 30 ni Ferdinand Marcos Jr. bilang ika-17 Pangulo, higit na angkop na magtalaga ang susunod na administrasyon ng isang kalihim na may sapat na kakayahan sa larangan ng enerhiya.

Sa mga nakalipas na araw, ipinamalas ni Marcos Jr. ang pagiging bukas sa mga taong inaakala niyang makatutulong sa isinusulong niyang direksyon ng gobyerno. Marami sa mga pangalang kanyang napiling maging bahagi ng kanyang gabinete ay hindi bahagi ng kanyang kampanya.

Bukod sa mga kaalyadong sina Vice President Sara Duterte sa Department of Education, Benhur Abalos sa Department of the Interior and Local Government, Atty. Vic Rodriguez na tatayong Executive Secretary at Rep. Crispin Remulla sa Department of Justice, pawang labas sa bakuran ni Marcos ang iba pang magiging bahagi ng kanyang gabinete.

Kabilang na uupo sa pwesto ang mga tinatawag na “outsider” – sina dating Philippine Socio-Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan sa National Economic and Development Authority (NEDA), dating Labor Secretary Bienvenido Laguesma sa Department of Labor and Employment (DOLE), at Susan Ople sa Department of Migrant Workers (DMW).

Ang siste, tila may mga talipandas na hangad ­mapwesto sa isang sensitibong ahensya ng gobyerno – ang Department of Energy (DOE).

Ano nga kaya ang motibo ng mga taong ito sa pangungulit sa susunod na Pangulo? Bukod sa perwisyong dulot ng kanilang pakikipagsabwatan sa mga oligarko, ano pa ba ang maipagmamalaki nila sa kanilang portfolio?

Malaking papel ang gagampanan ng DOE sa susunod na anim na taon. Pinakamainam kung ibasura ng Pangulo ang mga tuta ng oligarko.

82

Related posts

Leave a Comment