TAONG 2023 HINDI MAGIGING MAGANDA, AYON KAY DDCAP PRESIDENT

RAPIDO NI PATRICK TULFO

MATAPOS ang Pasko, nakatuon na ang atensyon ng bawat Pilipino sa darating na Bagong Taon. Sa pinakahuling survey na ginawa ng research firm na Pulse Asia ukol sa pananaw ng ilang sa atin sa pagpasok ng taong 2023, siyam sa sampung tinanong ay nagsabi na inaasahan ng mga ito na mas magiging maganda ito kaysa kasalukuyang taon.

Ito ay katumbas ng 92% na positive rating. Kilala talaga tayong mga Pilipino bilang isa sa mga lahi sa buong mundo na mayroong magandang pananaw sa buhay kahit pa kaliwa’t kanan ang mga pagsubok na dinaanan natin.

Pero ayon kay Mr. Joel Longares, may-ari ng Atlas Brokerage at Express Padala na ang operasyon ay nakabase sa America, dapat maghanda ang mga Pilipino sa darating na taon dahil ang problema raw na dinaranas natin ngayon ay maaaring magtuloy-tuloy sa susunod na taon dahil magpapatuloy ang mataas na inflation na dulot ng mataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sinabi nito sa inyong lingkod na mayroon nang recession sa America ngayon pero ito ay hindi pa kinukumpirma ng US govt. sa ngayon. Pero sa isang survey na isinagawa sa pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo, naniniwala ang mga Amerikano na nasa recession na ang kanilang bansa.

Ayon kay Mr. Longares na siya ring presidente ng DDCAP, ang ekonomiya ng Pilipinas tulad ng ibang bansa ay nakasandal sa paggalaw ng ekonomiya ng Amerika.

Ang payo ni Boss Joel sa mga Pilipino ay matutong maghigpit ng sinturon sa darating na taon.

Sa kaakibat ding balita, ibinaba ng World Bank ang economic forecast nito sa bansa sa darating na taon.

Ayon dito, nasa 5.7% lang ang nakikita nilang paglago ng ekonomiya ng bansa na mas mababa sa pagtataya ng ating gobyerno na nasa 6.0 – 7.0%.

Ang dahilan ay may kinalaman sa mataas na inflation at interest rates na may direktang epekto sa household spending ng bawat Pilipino.

33

Related posts

Leave a Comment