TERORISMO

FOR THE FLAG

Ang karahasan ay natural sa tao. Ngunit sa libu-libong taon na pananatili ng sibilisasyon sa sanglibutan ay nalinang ang mas mga makataong sistema at kultura na sagana sa pang-unawa sa kondisyon ng sangkatauhan, na binibigkis ng katwiran at ng mas mataas na katotohanan.

Hanggang naging “obsolete” ang karahasan sa lohika ng sibilisasyon. Ngunit pumupuslit-pulist pa rin ang nakakasulasok na wangis ng karahasan sa ating gitna. Terorismo ang bagong ngalan nito. Walang pinipili, babae man o bata, matanda man o may sakit. Ito nga ang bagong “virus” ng sanglibutan. Bago ang ngalan, ngunit luma ang gawi at direksyon.

Salat sa katwiran ang mga sumasali sa jihad, salat sa dunong ang mga nangdadahas, salat sa pang-unawa ang gumagamit ng baril at tabak upang ipilit na mapasunod ang sangkatauhan.

Ang mga mararahas na tao ay may angking utak na si­nauna pa, pawang mga hindi uminog at sumabay ang mga pagkatao sa modernisasyon ng sangkatauhan. Pawang mga utak-bata na pinuno ang mga kamalayan ng mga maling paniniwala at kamangmangan sa katwiran.

Ang alam lamang ng mga terorista ay ang humawak ng baril at bumuo ng bomba. Kaawa-awa, sapagkat nasaan ang kaligayahan sa gayun? Hinahabol ang kanilang mga kaluluwa ng mga pangit na pangitain, mga pangil ng dilim, mga bangungot na hindi nagpapatulog at mga kabagaban sa kaluluwa na hindi nila maunawaan. Salat nga, sila ang totoong dukha sa ating sibilisasyon, mga mangmang na pinaniwala sa paraan ng pagbasa sa isang babasahin na ang totoo namang layunin ay kapayapaan at kaligtasan ng kaluluwa.

May mga paggalaw sa atin mismong bansa na ang layon ay magkaroon ng isang “caliphate” sa Mindanao. Sa Indonesia, nagkaroon ng mga pag-atake ang mga terorista roon na ang layunin ay kilalanin ng ISIS na nakabase sa Syria at Iraq, upang kilalanin bilang nakasasakop sa mga kinikilalang mga chapter ng ISIS sa Southeast Asia kasama na riyan ang mga nasa Pilipinas katulad ng Abu Sayyaf. Sa Malaysia muntik na maulit ang nangyari sa Indonesia mabuti at naagapan at nahuli ang mga nagpapasimuno.

Mismong mga Muslim ay nasusuka sa ipinaglalaban ng ISIS samantalang hango din naman umano sa Quran ang kanilang katuruan. Ang mga tupa kapag walang pastol at may maligaw na isa at maisipang tumalon sa bangin, lahat ng kasamang tupa ay tatalon na rin sa kanilang kamatayan. Ganyan ang terorismo, ganyan ang mga sumusunod sa

terorismo at panawagan ng jihad ng ISIS.

Nasaan ang kabanalan sa pagkitil at pagdanak ng dugo ng inosente? Nasaan ang kabanalan sa pandadahas sa mga kababaihan na iniuutos ng pamunuan ng ISIS? Nasaan ang katwiran sa pagtuturo ng pagpatay sa mga musmos na dapat sana ay nag-aaral sa elementarya? Nasaan ang katotohanan sa pagtuturo na nais lipulin ni Allah ang lahat ng hindi naniniwala sa panawagang jihad ng ISIS? Nasaan ang pag-ibig sa pu­wersahang pagpapasunod sa mga tao sa paniniwala ng ISIS?

Mangmang ang kaisipan at dukha ang kaluluwa ng lahat ng terorista at ng lahat na radikal. Payak ngunit nakapangyayari dahil sa kakilabutang inihahasik, demonyo ngunit nakakakuha ng suporta dahil sa kaligawan ng mga mithiin ng ilang minoridad sa mga Muslim.

Halimbawang gumawa tayo ng bagong demon­yong sasambahin, maniwala kayo, ‘yang mga tero­ristang ‘yan ang unang-unang magiging mga disipulo. (FOR THE FLAG / ED CORDEVILLA)

271

Related posts

Leave a Comment