TIWALA NI ANGARA AT TRIAL NI LAUREL

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KUMPIYANSA si Education Secretary Sonny Angara na magkakaroon ang mga guro sa pampublikong paaralan ng umento sa sahod sa ilalim ng administrasyon ni President Marcos Jr.

Ang rason: Kinikilala raw ni PBBM ang mga guro na gitna ng sistema ng edukasyon.

Magkano at kailan tataas? Basta tiwala lang si Angara na mangyayari ang dagdag sa sahod sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Nagpasikat agad ang bagong kalihim ng DepEd. Malakas ang kanyang kumpiyansa, ngunit ang tiwala o pakiramdam na ito ay madalas ding sumablay.

Mas maigi ata kung ginamit niya ang “sigurado” dahil mas dikit ito sa katotohanan at may talagang kahihinatnan.

Sabagay, dahil bago lang sa puwesto kaya kailangang magpabilib. Bahala na kung agad na mabisto ang tunay na motibo.

Pero, may rason naman si Angara sa pagtutol niya sa panukalang itaas ang sweldo ng guro sa P50,000 kada buwan.

Paliwanag niya: Ang kasalukuyang entry level o sweldo ay P27,000. Ang dagdag na P23,000 times 900,000 na guro ay mas mataas pa sa national budget. Iyan daw ang totoo.

May punto naman. Sino nga bang magaling ang nagpanukala ng malakasang dagdag-sahod na ‘yan at tila hindi pinag-aralan ang sitwasyon.

Kaya ‘wag munang umasa sa P50 mil. Kung ipapangako man ay ala-20 ‘yan sa bigas.

Kung may umento, tanggapin. Kung dagdagan sweldo, magpasalamat.

Nakakasanayan na rin lang ang “pwede na ‘yan,” “buti na ‘yan kesa wala.”

Kung may kumpiyansa sa DepEd, trial naman sa DA.

Nais ng Department of Agriculture na palawigin nang isang taon ang trial sa “Bigas 29” program.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, titingnan nila ang mga kritikal na impormasyon at hamon sa demand, supply at logistics para matukoy kung ano pa ang dapat ayusin para mapalawig pa ang programa.

Nagsimula ang programa sa sampung Kadiwa centers sa Metro Manila at Bulacan.

Lumawak ito nang buksan ang bagong puwesto sa Bacoor, Cavite at San Pedro, Laguna.

Plano rin ng ahensya na mapalawig pa ito sa mga munisipalidad sa Visayas at Mindanao.

Palalawigin pa ang pagsubok na gagawin. Wala na atang plano ang gobyerno na maipatupad ito nang pangmatagalan at saklaw na ang lahat ng gustong bumili ng P29 kada kilong bigas.

Sabagay, ganyan nga kapag nasanay sa band aid solution.

Inaaliw na lang ng gobyerno ang mamamayan para takpan ang kawalan nito ng kapasidad na maibaba ang presyo ng bigas sa merkado.

Nagsimula nang dumating sa bansa ang mga inangkat na mas mababa ang taripa.

Malamang daw na bumaba ang presyo ng bigas sa susunod na buwan.

Tinatantyang P6 hanggang P7 kada kilo ang mababawas sa presyo dahil sa bumabang taripa.

Saka na magsaya kapag naramdaman na.

Pero, ang sigurado ay importer ang kikita habang dusa ang mga lokal na magsasaka.

48

Related posts

Leave a Comment