HINDI pa man nagtatagal, nakatakda na naman mangutang ang pamahalaan. Ang halaga – tumataginting na P33 bilyon (katumbas ng $600 milyon) mula sa Social Financial Sector Reform Development Policy Financing (SFS-RDPF) ng World Bank.
Kaya ang P13.64-trilyong utang ng Pilipinas sa iba’t ibang local at international institutions, madadagdagan at posibleng umabot sa P14 trilyon. Sa simpleng pagkukwenta, lumalabas na ang bawat isa sa 110 milyong Pilipino may utang na P127,272.
Para saan nga ba ang pinakabagong hiniram ng administrasyon? Walang partikular na tinukoy ang gobyerno kung paano at saan ipantutustos ang pera, subalit ayon sa WB, gagamitin ang hiniram na salapi para palakasin ang financial sector ng bansa.
May agam-agam ang mga ekonomista sa pinakabagong pagkakautang ng pamahalaan. Kasi nga naman, diretso sa Bureau of Treasury ang perang hiniram – hindi tulad ng mga dating kasunduan kung saan tukoy ang proyektong paggagamitan.
Kung ang target ng pangungutang ay bigyang-agapay ang maliit na mga negosyo sa paraan ng pagpapahiram ng karagdagang puhunan, tila may kulang.
Anong bangko ang paglalagakan ng perang inutang? Gaano kalawak ang makikinabang? Ilang porsyento ang ipapataw na interes? Ilan lang ‘yan sa mga bagay na hindi malinaw na inilahad ng pamahalaan.
Ang nakalulungkot na bahagi, lagapak ang grado ng Pilipinas sa pinakahuling Corruption Perception Index ng Transparency International.
Anong katiyakan ng mamamayan na hindi mapupunta sa bulsa ng mga tiwali ang perang babalikating bayarin ng mamamayan?
