WALKING PNEUMONIA

EDITORIAL

NAKABANTAY ang Department of Health (DOH) laban sa pathogen na mycoplasma pneumoniae bunsod ng paglobo ng kaso ng pneumonia sa bansa.

Ayon sa DOH, ang nabanggit na bacteria ang sanhi ng tinatawag na walking pneumonia.

Binansagan itong walking pneumonia sapagkat ang mga tinamaan ay walang kamalay-malay o parang walang nararamdaman at nakakagawa pa ng mga aktibidad pero nakahahawa na pala.

Nakaalerto ang Pilipinas dahil hindi lang sa China dumami ang batang may pneumonia. May ulat na may kaso na rin sa Netherlands.

Ayon kay Health Undersecretary Eric Tayag, ang bacteria ay sinusuri na sa Research Institute for Tropical Medicine.

Bukod sa mga bata, ang madaling tamaan ay ang edad 65 at pataas gayundin ang immunocompromised, tulad ng may asthma at chronic obstructive pulmonary disease.

Dahil ito ay bacteria, ang gamot dito ay antibiotics. Gayunman, hindi ito uubra dahil walang antibiotics para sa mga batang kulang sa walong taong gulang. Bawal sa kanila yung gamot. Nasa 90% ang drug-resistance. Dahilan daw ito kaya marami ang naoospital.

Nakaaalarma ito kahit pa sabihin ang walking pneumonia ay self-recovering o kusang gumagaling kahit walang gamutan.

Nakahahawa ang walking pneumonia kaya mahalagang tingnan ang mga sintomas na inuubo nang sobra sa dalawang linggo, lagnat, sakit ng ulo, pagbahing, pamamaga ng lalamunan at sumasakit na dibdib.

Inabisuhan ang publiko na magpasuri sakaling may maramdamang sintomas.

Paalala pa ng DOH sa publiko: Paigtingin ang pag-iingat.

Bukod sa mga alerto at abiso, ano ang higit na magagawang epektibong hakbang ng departamento ng kalusugan at ng pamahalaan para matugunan ang problemang dulot ng walking pneumonia?

Sana, lakarin naman nila ang tamang hakbang nang maaresto na ang walking pneumonia.

Hindi rin kailangan ng publiko na abisuhan pa na magsuot ng face mask. Nadala at natuto na ang tao sa Covid kaya laging nakahanda ang kanilang pansalag sa hawa.

Proteksyon para sa sarili, sa pamilya, at sa ibang nakakasalamuha ang dapat isipin kaya mahalaga ang pagsuot ng face mask lalo sa matao at pampublikong lugar.

348

Related posts

Leave a Comment