WEBINAR, ‘NEW NORMAL’ SA UGNAYANG OFW, GOBYERNO

AKO OFW

WALANG makapipigil sa mga leader ng Overseas ­Filipino Workers (OFWs) kahit pa magkakalayo ng kinaroroonan ang bawat isa. Dahil ito sa makabagong teknolohiya o paraan na kung tawagin ay ‘Web-based Seminar’ o ‘Webinar’.

Ang Webinar ay isang paraan na ginagamit na pagle-lecture, workshop at seminar na sumikat dulot ng pagkakaroon ng lockdown. Sa pamamagitan ng webinar ay naipagpapatuloy ang meetings ng mga kumpanya at opisina ng gobyerno para sa kinasasanayan na work from home.

Ito rin ang kasalukuyang ginagamit ng OFW ­leaders upang makipag-ugnayan sa opisyales o kinatawan ng pamahalaan upang ­maiparating ang kanilang mga hinaing o suhestiyon na dating ginagawa sa pamamagitan nang pakikipagpulong sa mga opisina.

Nitong Sabado ay pinamunuan ni Gemma Sotto, pinuno ng United Filipino Global (UFG) ang pagsasagawa ng webinar na kung saan ay ­inimbitahan sina Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bebot Bello, Philippine Overseas Employment Administration (POEA) chief Bernard Olalia, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Hans Leo Cacdac, Usec. Claro Arrelano at iba pang mga kinatawan sa ilalim ng DOLE.

Mahigit sa 150 OFW leaders mula sa iba’t-ibang panig ng mundo ang nakipagtalakayan at nagbigay ng kanilang saloobin kay Sec. Bello. Natutuwa ang mga nasabing OFW leaders dahil sa maayos na pakikiharap at pagsagot ni Sec. Bello. Bagama’t sa pamamagitan lamang ng video conference ay damang-dama ng OFW leaders ang pagmamalasakit at kababaan ng loob ng kalihim na dahilan upang mabigyan ng saya at ngiti na puno ng pasasalamat ang OFW leaders matapos ang nasabing webinar.

Kabilang sa mga tinalakay ay ang mga serbisyong ipinagkakaloob ng DOLE na may kinalaman sa ayuda na tawagin ay DOLE AKAP. Ibinida ni Sec. Bello ang pagbibigay ni ­Pangulong Rodrigo Duterte nang karagdagang P1 bilyon para ipamahagi sa mga OFW na naapektuhan ng krisis na dulot ng Covid virus.

Maraming OFW leaders ang naglabas ng kanilang hinaing sa mabagal na pagproseso at pag-apruba ng aplikasyon. Kabilang sa mga inireklamong labor attache ay si Haney Lyn Siclot na kasalukuyang nakatalaga sa Roma. Mabilis naman itong binigyan ng aksyon at agad na tinawagan sa telepono ang naturang labor attache.

Isa pa sa lubhang nagpasaya sa mga kasali sa webinar ay ang pagkakaloob ng karagdagan bilang ng beneficiaries sa bawat bansa. Katulad halimbawa ng bansang Kuwait na kung saan mula sa orihinal na bilang na 10,000 OFWs na mabibigyan ng ayuda ay muli itong binigyan ng karagdagang 10,000 kaya sa kabuuan ay makakatanggap ng ayudang $200 ang 20,000 OFW sa Kuwait.

Gayundin ang ibinigay na pangako ni Sec. Bebot Bello para sa iba’t-ibang bansa na sakop ng DOLE Department Order 212 na isang direktibang nang pagkakaloob DOLE AKAP. Kabilang sa mga nasasakop nito ay Middle East, Europe, America at Asia.

Samantala, sa pamamagitan din ng webinar ay ­sinisimulan itong gamitin ng grupong Integrated Risk Management Association of the Philippines (IRMAP) na nakabase sa Dubai, United Arab Emirates. Sa pamumuno ni G. Jennifer T. Guardian, Founding Chairman ng IRMAP ay isasagawa ngayon araw ng Lunes ang kanilang kauna-unahan webinar para sa mga OFW o nagpaplano pa lamang magtrabaho sa ibang bansa.

Tema ng nasabing webinar o online training ng IRMAP ang ‘Scaffolding Management During COVID-19’ na kung saan ang magbibigay ng pagtuturo ay si Engr. Crisauro R. Fallar, isang civil engineer at kilalang scafolding consultant.

109

Related posts

Leave a Comment