WELCOME AMIHAN

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

INILABAS n’yo na rin ba ang mga jacket at sweater n’yo?

Idineklara na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng Northeast monsoon o amihan season.

Bakit hanggang ngayon ay mainit pa rin? Paliwanag ng PAGASA, hindi ibig sabihin ay lalamig na agad. Unti-unting mararanasan ang paglamig ng panahon.

Hindi naman ‘yan katulad ng pag-ibig ng tao na madaling manlamig.

‘Di bale, palalamigin naman tayo ng matamis na balitang bumaba ang presyo ng brown sugar sa Metro Manila. Nasa P10 kada kilo ang ibinaba ng presyo ng brown sugar habang hindi gumalaw ang presyo ng refined sugar.

Ang 50-kilogram bag ng raw sugar ay mabibili sa halagang P2,700, habang ang 50-kg bag ng refined sugar ay nasa P3,400.

Ang kasalukuyang presyo ng brown sugar ay dapat P55-P60 per kilo at P85 sa refined sugar, ayon sa SRA.

Matamis ngang balita lalo pa’t malapit na ang mga okasyon tulad ng Undas at Pasko.

Ngunit hindi laging matamis ang buhay lalo kapag langis ang nasa isip.

May taas-presyo na naman sa produktong petrolyo ngayong linggo. Umakyat ang presyo ng diesel ng P1.20 hanggang P1.50 kada litro habang sa kerosene ay P1.20 hanggang P1.40 kada litro. Ang gasolina ay P.90 hanggang P1.10 kada litro naman ang itinaas.

Paano na ang paniniwala ng 46 porsyento ng mga Pinoy na uunlad ang buhay nila sa susunod na 12 buwan?

Buhay nga naman, may pag-asa sa survey ngunit dusa ang tunay na nangyayari.

PUKPUKAN NA SA BSKE

‘Di bale raw tumaas presyo ng ibang bilihin basta may pera sa halalan.

Kaya mabenta mga pakulo ng mga kandidato sa BSKE dahil ganado rin ang tao. May pakimkim kasi kapag eleksyon kaya habang umaasa mga botante sa malilikom na datung, pagpistahan muna natin ang mga patok at mabentang jingle, slogan at campaign gimmick ng mga kandidato.

Tulad nito: “Dating lulong ngayon tutulong!”

“Yung dating sumisindi ngayon magsisilbi.”

Kakatuwa. ‘Di bale nang maingay eleksyon, basta wala sanang gulo at tensyon.

Pero hindi ata uubra na walang karahasan ang halalang pambarangay. Nagbibilang na ng patay ngayon sa sunod-sunod na election related incident. ‘Wag na sanang madagdagan pa.

Hayaan n’yo na muna kung dumami bumabati, nakikipagkamay at nakikipagkaibigan sa inyo. Hayaan n’yo nang kinilala ka na ring kamag-anak ng mga kandidato.

Sampung araw lang ‘yan. Pagkatapos ng halalan, ‘di na nila kabisado hitsura n’yo.

373

Related posts

Leave a Comment