Oposisyon sa Bagong Pilipinas hymn ‘PAGDOKTRINA’ SA GOV’T WORKERS, KABATAAN

PINAG-AARALAN na ng mga oposisyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagkuwestiyon sa legalidad ng Memorandum Circular No. 52 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nag-oobliga sa mga ahensya ng gobyerno kasama na ang mga state universities and colleges (SUCs) na isama sa flag ceremony “Bagong Pilipinas hymn and pledge”.

Ito ang nabatid kay House deputy minority leader France Castro kaugnay ng nasabing MC 52 na itinuturing nila na pangdo-doktrina sa mga empleyado at opisyales ng gobyerno ang mga kabataang nag-aaral sa mga SUCs.

“Pinag-aaralan na natin with our legal staff base doon sa…what is enshrine in our constitution and on RA (Republic Act) 9481 (Flag and Heraldic Code of the Philippines). Pinag-aaralan pa natin kung ito ba ay dapat kuwestiyunin legally,” ani Castro.

Base aniya sa Saligang Batas, tanging ang pagkanta ng Pambansang Awit ng Pilipinas at pagbigkas ng Panatang Makabayan ang inuutos sa mga Pilipino na gawin at hindi umano kasama dito ang ibang “hymn at panunumpa.

Dahil dito, hindi na aniya kailangan ang Bagong Pilipinas hymn dahil walang batas na nagsasabi nito kaya hindi aniya ito kailangang na isama sa flag ceremony sa mga ahensya ng gobyerno at mga SUCs.

“Tingin namin dito ay pagdodoktrina sa government employees at sa mga kabataang nag-aaral sa mga SUCs,” ayon pa kay Castro.

Bukod dito, isang uri aniya ito ng ‘branding” ng Marcos Jr. administration na pwedeng bawiin ng susunod na pangulo kaya iginiit ni Castro na sundin na lamang ang nakasaad sa saligang batas.

Muling iginiit ng mambabatas na tutukan na lamang ni Marcos ang mga problemang kinakaharap ng sambayanang Pilipino tulad ng mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho, kriminalidad, korupsyon at iba pa upang matulad aniya ang mga ‘lyrics” na nakapaloob sa Bagong Pilipinas hymn.

“Yung mga lyrics ng pagbabago naman dito (sa Bagong Pilipinas hymn) ay hindi naman nagagawa so sila ang dapat mag-internalize at magsabuhay noong pagbabago na inaasam ng ating mga kababayan,” paliwanag pa ni Castro. (BERNARD TAGUINOD)

197

Related posts

Leave a Comment